ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Feb. 10, 2025
Bongga ang 60th birthday celebration ng film producer na si Ms. Baby Go ng BG Productions sa Valle Verde Country Club noong Miyerkules, February 5, 2025.
Dinaluhan ito ng ilang celebrities gaya ni Paolo Gumabao na nakagawa rin ng pelikula sa bakuran ng BG Films. Sa Mayo na raw ang playdate ng Spring in Prague.
Sa naganap na birthday party ni Baby Go ay ipinakita ang trailer ng Spring in Prague ng Borracho Films ni Atty. Ferdie Topacio. Kinunan ang majority na bahagi ng pelikula sa Prague kasama ang actress ng Czech Republic na si Sara Sandeva.
Wholesome ang role ni Paolo Gumabao sa Spring in Prague, pero medyo may konting pa-sexy.
Kasunod nito ang sexy film niyang Isla Babuyan kung saan ilang beses siyang nag-frontal nudity na sabi’y kinabog ang pelikula niyang Lockdown kung saan siya sumikat.
Ayon kay Paolo, pagkatapos ng Isla Babuyan, ili-limit na muna niya ang pagtanggap ng sexy films.
“Hindi naman sa ayaw ko na pero parang mas ano, we’ll be a bit more picky with the roles,” sabi ni Paolo.
Sa kalagitnaan ng panayam, nagulat na lang daw si Paolo dahil may ilang reporters ang gustong itanong sa kanya ang tungkol sa tsikang nakalaya na raw ang kanyang amang si Dennis Roldan na nakakulong sa National Bilibid Prisons dahil sa pag-kidnap sa isang batang Filipino-Chinese noong 2005.
Kumalat daw kasi noong nakaraang Pasko na nakalabas na ng kulungan si Dennis dahil sa clemency na kaloob ng gobyerno sa mga nagbabagong Person Deprived of Liberty (o PDL) pero ipina-news blackout daw ito.
Subalit ipinagtataka ni Paolo at ikinagulat niya ang naturang bali-balita dahil hindi nakarating sa kanya.
Kaya’t nagtataka niyang sagot, “Parang wala naman. Kasi, if ever po kung totoo man, kasama ako du’n sa unang makakaalam. Pero wala naman po.”
Bago mag-December 2024, nakadalaw daw siya sa ama. Hindi naman daw niya nakakaligtaang dalawin ang ama ‘pag walang ginagawa, subalit hindi lang daw siya nakabisita noong nakaraang Pasko dahil nasa Taiwan siya.
“Nakita ko po s’ya last year mga September, October. Bumisita po kami du’n sa… ako at saka si Marco (Gumabao, kanyang half-brother) lang po pumunta,” sabi niya.
Isa si Paolo sa mga hindi nababakanteng actor. After ng kanyang short appearance sa Batang Quiapo (BQ), lumabas si Paolo sa pilot episode ng Incognito, pero parang one of those lang siya roon sa dami ng mga artistang may special appearance sa Kapamilya teleserye.
Napangiti na lamang siya sa comment na kakapiranggot lang ang eksena niya sa episode na ‘yun.
Sa ngayon ay naghihintay na lang daw siya ng magandang project na darating. Mga out-of-town basketball games ang pinagkakaabalahan niya.
MALA-DEMONYO ang role ni McCoy de Leon sa action seryeng Batang Quiapo na napapanood sa Kapamilya channel every primetime, Mondays to Fridays, bilang si David na kayang patayin ang mga mahal sa buhay masunod lamang ang luho.
Pero sa bago niyang pelikula, gaganap siya bilang si Fr. Rhoel Gallardo, ang Claretian priest na pinatay ng mga miyembro ng Abu Sayyaf noong Mayo 3, 2000.
‘Pambawi’ ang salitang ginamit ni McCoy sa pagsasalarawan niya sa karakter ni Fr. Rhoel na kanyang ginampanan sa pelikulang In Thy Name (ITN).
Hanggang sa huling hininga, hindi tinalikuran ni Fr. Rhoel ang kanyang pananampalataya at katapatan sa Simbahang Katoliko.
Kuwento ng Kapamilya actor, “To be honest, totoo namang pambawi rin sa mga hindi nakakakilala sa ‘kin personally.
“Pero masasabi ko rin na pambawi sa mismong life ko ngayon, kasi 2 years na ako sa Batang Quiapo. Talagang mai-imbibe mo ‘yung karakter.
“Kaya nu’ng dumating itong In Thy Name, na-balance rin kung paano ako tumanaw sa magandang buhay ulit.”
Nagpapasalamat si McCoy dahil ipinagkatiwala sa kanya ang pangunahing karakter sa ITN.
“S’yempre, ‘pag gumawa ka ng karakter, minsan isasapuso mo talaga sa pinakaloob mo at ikakarakter mo sa buhay mo.
“Kaya nakatulong din sa ‘kin na ma-balance kung ano ang meron sa nararamdaman ko…” pahayag ni McCoy de Leon.
Comments