ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 19, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Rosalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Bakit nakita ko ang aking sarili na umalis sa katawan ko, pero hindi naman lumayo, kumbaga, nandu’n lang din sa silid-tulugan ko? Ano ang panaginip ko na ito? Natatakot kasi ako at labis na nag-aalala.
Naghihintay,
Rosalyn
Sa iyo, Rosalyn,
May problema ka bang sa tingin mo ay hindi mo kayang lutasin? Suriin mo ang buhay mo sa kasalukuyan at maging tapat ka sa sarili mo. Kung may problema ka na mahirap bigyan ng solusyon, ang panaginip mo ay nagsasabing gusto mong takasan ang iyong problema.
Ang naranasan mo ay kadalasan ding nangyayari sa mga may maraming utang na kailangan nang magbayad at kapag hindi nagbayad ay madedemanda o maiipit ang ilang kabuhayan.
Mayroon ka bang sakit na akala mo ay wala nang lunas? Kung mayroon, ang panaginip mo ay ganundin ang sinasabi, gusto mong takasan ang iyong sariling katawan.
May trabaho ka ba ngayon? Kung wala, masasalamin sa iyong panaginip na natatakot ka sa iyong kinabukasan na akala mo ay madilim ang iyong hinaharap at wala ka nang magandang buhay na inaasahan.
Kung nagkataon na ang sagot mo sa mga tanong sa itaas ay “Wala, okey naman ang buhay ko,” sa ganitong pagkakataon, ang panaginip mo ay nagsasabing nahihilig ka sa paranormal at ang pahabol na kahulugan ay gusto mo talagang maranasan na makaalis sa katawan mo o ang kaluluwa o espiritu ay hihiwalay sa katawan mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments