ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 15, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Doris na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nakita ko ‘yung lolo ko, pero matagal na siyang patay, nakita ko siya na kulay gray. Tapos ‘yung sa dating lugar namin sa likod ng casino sa Clark, may malalaking usok na paparating at kulay itim. Kapag nakalapit, parang naging insekto, tapos napapatay naman, tapos natulog kami kasama ang mister ko at lumindol ng palakas nang palakas at nawala rin.
Masama ba ‘yun? Noon kasi, nakapanginip ako ng kabaong, tapos nagkasunud-sunod ang patay dito malapit sa lugar namin. Salamat!
Naghihintay,
Doris
Sa iyo, Doris,
Alam mo, pangkaraniwan lang naman, lalo na ngayong marami ang namamatay. Pero walang kinalaman ang mga patayan at namatay sa iyong panaginip kahit minsan ay nakapanaginip ka ng kabaong ay nagkasunud-sunod ang patay sa inyo. Gayunman, ang iyong panaginip tungkol sa lolo mo na patay na ay nagsasabing ngayon ay pinaghaharian ka ng negatibong pananaw.
Masasabing sobrang lungkot kung saan ang maaaring dahilan ay iniisip mo na parang walang pag-asa na matupad o gumanda pa ang iyong buhay. Dahil dito, narito ang ilang pananaw na maaaring makatulong sa iyo.
Dapat panatilihin mong buhay na buhay ang ningas ng iyong pag-asa kahit gaano pa kaliit ang ningas na ‘yun. Mangarap ka dahil mahalaga sa tao ang nangangarap o may pangarap. Subukan mo at makikita mong hindi ka na makakapanaginip ng kabaong at mga patay na.
Ang mga napapanaginipan mo na ay ang magagandang bagay na may kaugnayan sa iyong mga pangarap na nagsasabing ipinauuna ng mapapanaginipan na malaki ang tsansa na maabot mo ang iyong mga pangarap.
Samantala, ang taong walang pangarap ay wala ring mararating, kumbaga, mabubuhay na lang siya sa kasalukuyan kung saan magtitiis siya sa kahirapan at kalungkutan. Hindi ito magandang mangyari sa tao dahil tao lamang sa lahat ng may buhay sa mundo ang binigyan ng pagkakataon na iguhit sa kanyang mundo ang kanyang kinabukasan.
Pagmasdan mo ang mga hayop, hindi ba, kain-tulog lang sila? Ang mga halaman, kahit pa may magagandang bulaklak, masasabing hanggang doon na lang sila. Ibang-iba ang tao dahil sila ay may tinatawag na “Gift of Dreaming” —sila lang ang may pangarap.
Huwag mong sayangin ang regalong ito ng Dakilang Manlilikha, kaya mangarap ka nang mangarap. Ikaw ay tao at hindi ka hayop o halaman at sa mga pangarap mong ito magsisimula ang napakaganda at maligayang buhay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments