top of page
Search
BULGAR

‘Nakaw-plaka syndicate’ sa LTO, tinuluyan

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 27, 2024


Bigyan natin nang pagsaludo ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa naresolba na nila ang sindikato ng nakawan ng plate number sa loob mismo ng plate-making plant ng LTO Central Office sa Quezon City.


Nauna rito ay nagpadala ng sulat ang hepe ng LTO sa pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang ipagbigay alam ang nagaganap na nakawan sa kanilang planta.


Dahil sa mabilis na pagkilos ng pinagsanib na puwersa ng DILG at PNP ay agad nasakote ang tatlo sa kaanib ng ‘nakaw-plaka syndicate’ sa LTO at kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Station 10 ng Central Police District (CPD) sa Quezon City at nahaharap sa kasong qualified theft.


Posibleng maresolba na rin ng LTO ang 10.4 milyong backlog ng plate number ng mga motorsiklo dahil sa kayang-kaya na ng planta ng ahensya na gumawa ng 30,000 plaka araw-araw at kung hindi na mananakawan ay posibleng sasapat na ang kanilang produksyon kabilang na ang plate number ng four-wheeled vehicle.


Nabatid na ang mga nasakoteng salarin ay matagal na ring tinatakot ang mga empleyado ng plate-making plant ng ahensya kaya walang nagsusumbong ngunit dahil sa husay ng intelligence ng pamunuan ng LTO ay naamoy nila ang galaw ng sindikato.


Kaugnay nito, nanawagan si DILG Secretary Benhur Abalos sa lahat ng may-ari ng sasakyan na iberipika sa LTO ang kani-kanilang plaka ng sasakyan upang matiyak na lehitimo ito at hindi galing sa nakaw na plaka ang naiisyu sa kanila.


Ang mga nakaw umanong plaka ay hindi nakarehistro sa data base na madaling malaman sa oras na mahuli ang sasakyan dahil tinitingnan umano ng mga operatiba ang QR code ng bawat plaka, habang ang mga nakaw umanong plaka ay walang lamang detalye ang QR code at hindi rehistrado, kaya hanggang maaga ay iberipika ang nakakabit na plaka para makasiguro at hindi mapahamak.


Sa LTO congratulations! Keep up the good work! Sana ay magtuluy-tuloy na ang mabubuting pangyayari sa loob ng ahensyang ito na palagi na lamang nasasangkot sa kontrobersiya. Mabuti at mahusay ang bagong pamunuan ng LTO at kayang-kaya niya ang mga problema at paparating pang problema sa naturang kagawaran na kakambal na yata ng kung anu-anong kontrobersiya.


Magandang simula ito para sa pagpasok ng panibagong taon dahil positibo ang mga kaganapan -- ibig sabihin ay nasa tamang direksyon ang LTO para sa mas ikabubuti pa ng ahensya.


Congrats uli at nabuwag na ang mga pasaway d’yan sa LTO at mabuti ‘yan para malaman ng iba pang tiwaling empleyado ng ahensya na hindi nagbibiro ang kasalukuyang namamahala -- at talagang tutuluyan ang mga tiwali.


Sa pagkakataong ito, bigyan natin ng papuri ang LTO, PNP at DILG sa isinagawa nilang matagumpay na operasyon na naging daan upang mabuwag ang sindikato na nasa loob mismo ng ahensya.


Kung bakit naman kasi pinagsama-sama ng panahon ang lahat ng klase ng tiwali sa ahensyang ito -- pero dahil seryoso ang bagong pamunuan ay tiyak na mauubos din ang mga ‘yan! Hala bira!              


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page