ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 26, 2022
Napagdaanan ng inyong lingkod ang halos lahat na ng unos ng lipunan, mula sa sunog, lindol, bagyo, baha at maging ang pandaigdigang pandemya sa pagiging volunteer at Konsehal ng Philippine Red Cross nitong nakalipas na dekada. Sa tuwing may kalamidad, kami ang isa sa mga nauunang rumesponde, maging nitong nakalipas na mga taon ng COVID-19 kung kailan lahat ay hindi maaaring lumabas ng bahay, kami ang naging dulungan ng paghahanap ng mga ospital, ambulansiya at dugo para sa libu-libong naospital.
Maraming serbisyo ang Red Cross, ngunit ang namayagpag ay ang blood services. Ang kabalintunaan, noong dumami ang naghanap ng dugo dahil sa pagbulusok ng kaso, mga may sakit, halos wala nang suplay sa mga blood bank dahil wala na ring nagdo-donate sa pangamba sa pandemya.
Kung kaya’t abot langit ang tuwa natin noong bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 kasabay ng unti-unting pagpapahintulot na mu kaming magsagawa ng blood letting.
Sa huling blood drive na inorganisa natin kasama ang PRC QC at iba’t iba pang organisasyon, nakakolekta tayo ng 61-units ng dugo mula sa mahigit 100 donor sa loob ng 9-oras (Maaaring tingnan ang proseso ng blood letting sa ating Facebook page, Rikki Mathay QC). Sa haba ng oras na ginugugol sa pag-screen ng donors, malaking bilang ang hindi nakakapasa.
Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit maaaring hindi makapasa ang donor sa mga pagsusulit:
1. Kulang sa timbang
2. Na-tattoo noong nakaraang taon (kabilang na ang acupuncture)
3. Kulang sa tulog
4. Pag-inom ng alak sa nakalipas na 24-oras
Mayroon ding mga hindi makapag-donate kabilang ang mga taong mayroong:
1. Ilang mga gamot kabilang ang mga gamot sa psoriasis
2. Kanser
3. Sakit sa puso
4. Malubhang sakit sa baga
5. Hepatitis B at C
6. Impeksiyon sa HIV, AIDS o Sexually Transmitted Diseases (STD)
7. Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang na higit sa 5kg. sa loob ng 6-buwan at
8. Alkoholismo
Ngunit ang malusog na indibidwal ay maaaring magbigay ng dugo kada tatlong buwan.
Sa katunayan, ang pag-donate ng dugo ay mainam sa kalusugan dahil ang pinasisigla ang bone marrow upang makagawa ng mga bagong selula ng dugong nagreresulta sa mas epektibong paggana ng mga organs. Huwag ding mangamba dahil hindi maaaring mahawa sa sakit mula sa pag-donate ng dugo dahil gumagamit ang Red Cross ng mga sterile, disposable needles at syringes.
Hindi lalagpas ng 30-minutes ang buong proseso ng pagsali sa blood drive para sa mga donors, ngunit masalimuot man ang proseso ng bloodletting para sa Red Cross upang matiyak ang kaligtasan ng mga donors at ang pagiging safe ng mga dugong makukuha.
Ang mga matagumpay na donor ay tumatanggap ng Red Cross ID na magagamit nila upang bigyan sila ng prayoridad kung sakaling sila mismo ay mangangailangan ng dugo sa hinaharap.
Bukod dito, may pa-grocery bags pa ang Red Cross QC upang mas marami ang mahikayat na maging blood donors.
Kung nais mag-organisa ng blood drive para sa inyong organisasyon, maaaring makipag-ugnayan sa mathayrikki@gmail.com, at tulad ng palagi nating sinasabi, narito kami anumang oras at kahit saan. Let’s all help save lives!
Comments