ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 10, 2022
Lampas dalawang taon na tayong nasa pandemya at paunti-unti na namang sumisipa ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Sa katunayan, meron na namang sumulpot na bagong variant ng Omicron. Talaga namang hindi na natigil ang panganganak ng mga virus na 'yan at may sumulpot pang monkeypox virus. Juskoday!
Ito nga 'yung ‘Centaurus’ virus na B.A.2.75 subvariant at sa Region 6 naitala ang dalawang kaso nito.
At sa gitna niyan, napaisip tayo at naungkat ng ating mga kapwa mambabatas kung kumusta naman ang mga ipinagbibiling bakuna ng Department of Health. At sa pagkakaalam nga natin marami pa tayong gamot vs COVID-19 na nakaimbak lang sa DOH.
Aba, eh, noong July 27, nag-expire ang ilang pangbakuna kasama na rin 'yung mga pang-booster. Ano bah! Juicekolord, napakarami pang mga kababayan natin ang hindi pa naiiniksyunan.
Marami pa ring mga taga-probinsya, iba't ibang LGUs ang hindi na nakapagbabakuna ng kani-kanilang nasasakupan. Eh, kamakailan lang ang aking ading na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., nuulit din niya ang paalala sa lahat na paigtingin na ang mga pagtuturok ng booster shot.
Lalo na't ilang tulog na lang magbubukas na ang mga klase o magkakaroon na ng face-to-face classes ang ating mga estudyante. At sa ganang atin, kailangan na nating sanayin ang ating sarili na mabuhay sa new normal. Pero kaakibat niyan kailangan talaga, eh, bakunado na ang lahat.
Pero kung paano magagawa 'yan kung nakaimbak lang dun sa DOH at nakatengga ang mga gamot. Ano ba ang plano sa mga gamot na 'yun na pagkamahal-mahal ng ating pagkakabili, bilyun-bilyong piso o nasa P5 bilyon lang ang nasayang pero hindi natin maubos maisip kung bakit itinetengga lang 'yun doon.
Ang masaklap pa, eh, expired na! May mga bakuna, booster ng Moderna at Pfizer ang expired. Ngayon, plis, naman DOH, 'wag naman ninyong bulukin lang dyan ang mga bakuna at booster. IMEEsolusyon na ipamigay na lang ang mga hindi pa nai-expire na mga gamot puwede ba!
Ibigay na ang mga 'yan sa lahat ng may gusto anumang sektor ang nangangailangan niyan! 'Wag tayong maging kampante. Sabi nga ng World Health Organization, hindi pa tapos ang pandemya dahilan sa libu-libo pa rin ang mga taong may COVID-19 sa ating bansa.
Ituluy-tuloy natin ang pagbabakuna para sa proteksyon ng lahat!
Comments