top of page
Search
BULGAR

Nakatanggap ng 3 doses… 15-anyos, nakaranas ng walang tigil na pagdugo bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | May 26, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), aming nakita kung gaano karaming mga bata ang naturukan ng nasabing bakuna. Nagkaroon ng napakatinding pagbabago sa kanilang pag-uugali. Isa sa mga ito ay si Ma. Vinna Mae Etang, anak nina G. Benjamin at Gng. Nancy Etang ng Pampanga.


Sa kanilang Salaysay, inilarawan nila ang ilan sa mga naganap na pagbabago sa asal ni Vinna noong siya ay nabubuhay pa:

“Nagkaroon siya ng mood swings, severe headache, at nireregla siya nang buo-buong dugo.


Naging palasagot na rin ang aming anak. ‘Yung dating mabait na bata ay naging paladabog.


Sumasagot na rin siya tuwing napagsasabihan. Kaya laking pagtataka namin dahil hindi naman siya dating ganito.”


Si Vinna, 15, namatay noong Oktubre 7, 2020. Siya ang ika-158 na mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA). Noong Disyembre 22, 2015, siya ay isinailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, matapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang. Siya ay tatlong beses na nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una ay noong Marso 21, 2016, pangalawa ay noong Oktubre 18, 2016, at pangatlo ay noong ng Hunyo 16, 2017.



Ayon sa kanyang magulang na sina G. at Gng. Etang, si Vinna ay “Isang masayahin, aktibo, at masigla. Sa katunayan, siya ay naglalaro ng Arnis at naging champion noong Grade 5 at Grade 6. Naging Ms. Intramurals din siya sa kanyang eskwelahan. Samantala, hindi na siya isinama sa Caraga noong nalaman nilang nabakunan siya ng Dengvaxia.”


Mula taong 2017 hanggang sa namatay si Ma. Vinna Mae Etang noong Oktubre 7, 2020, narito ang kaugnay na mga detalye sa nangyari sa kanya:

  • Taong 2017 - Nagkaroon siya ng skin pigmentation at rashes. Pasulput-sulpot ito sa kanyang balat. Madalas na sumakit noon ang kanyang ulo.

  • Taong 2018 - Nagkaroon ng pagkakataon na dumudugo ang kanyang ilong. Mainit din ang kanyang pakiramdam kaya siya ay madalas na maligo. Noong siya ay Grade 8, naging madalas na kanyang pagiging bugnutin.

  • Taong 2020 - Nagpatuloy ang pagiging bugnutin niya.

  • Pebrero 2020 - Nagdugo muli ang kanyang ilong, nagkaroon siya ng rashes at buo-buong menstruation. Hindi siya dinala sa ospital dahil nawawala naman ang rashes niya.

  • Setyembre 14 - Dumugo ang kanyang gums, at nilagnat din siya. Si Vinna ay dinala sa dentist, at binigyan siya ng antibiotics dahil ‘di umano siya puwedeng bunutan ng ngipin dahil maga ang kanyang gums. Binanggit ni Gng. Nancy sa dentista na mayroong Dengvaxia vaccine si Vinna, at sinabi niya na napansin niyang mayroong pigsa si Vinna. Iniuwi rin nila si Vinna matapos na naresetahan ng antibiotics.

  • Setyembre 15 - Nagpatuloy ang kanyang lagnat at ang kanyang pigsa ay naging kulay violet na at kumalat na sa kanyang tuhod, hita at paa. Dinala siya sa clinic dahil sa patuloy na pagdurugo ng kanyang gums. Kumalat din ang dark blue spots sa kanyang kamay, paa at braso. Ayon sa doktor, mayroong problema sa dugo si Vinna, at pinayuhan sina Gng. Nancy na pumunta sa hematologist na ginawa naman nila. Isinailalim siya sa laboratory test at negative siya sa Dengue. Subalit kailangan umano niyang masalinan ng dugo. Sa kasamaang palad, hindi siya nasalinan dahil walang pang-down ang kanyang magulang sa nasabing ospital. Dahil sa kawalan ng pera, iniuwi nila si Vinna at lalong lumala ang kanyang kalagayan dahil sa pagdurugo ng kanyang gums.

Isinailalim muli siya sa laboratory tests. Naging negatibo siyang muli sa Dengue subalit mababa diumano ang kanyang platelet count kaya kinakailangan na masalinan na siya ng dugo. Noong nasa ospital ay nagpatuloy ang paglabas ng buo-buong dugo sa kanyang pwerta. Binigyan siya ng pampaampat subalit hindi ito naging epektibo. Dumumi lang siya ng itim. Nang isailalim muli siya, napag-alaman na mayroon diumano siyang Amoebiasis. Patuloy pa rin ang pagdurugo mula sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

  • Oktubre 7 - Siya ay binawian ng buhay. Ayon sa kanyang Death Certificate, ang ikinamatay umano niya ay Disseminated Intravascular Coagulopathy (Immediate Cause); Blood Dyscrasia (Antecedent Cause); Acute Leukemia (Underlying Cause); at Sepsis (other significant conditions contributing to death).

“Napakasakit sa amin ang biglang pagpanaw ng aming anak na si Vinna. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna nito sa aming anak, at sa iba pang mga bata. Sinabi nila na mabisa ito upang hindi madapuan ng dengue ang aming anak subalit ito pa ang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Nasaan ang sinasabi nilang proteksyon ng bakunang Dengvaxia? Sa napakaikling panahon na nasa ospital siya, binigyan naman siya ng gamot ngunit hindi parin bumuti ang kanyang kalagayan. Bagkus ay mas lalo pa itong lumala.”

Ang mga naganap na pagbabago sa pag-uugali ni Vinna ay sanhi pala ng pagdurugp.


Ayon sa doktor, nagdurugo diumano ang kanyang mga organs. Nakasisindak ang kamatayang sinapit ni Vinna, gayundin ang pagkasawi ng maraming biktima na katulad niya. Nakalulungkot isipin na ang pagbabago ng kanyang ugali ay sanhi ng mga sakit na nararamdaman niya sa kanyang katawan. Ang mga sakit na dulot ng pamamaga at pagdurugo ng kanyang mga organs marahil ang nagpabago sa dating mabait na bata.


Nakita ang pagdurugo sa kanyang mga organs nang siya ay suriin kaya malinaw na dumanas si Vinna nang labis habang tinitiis niya ang sakit na dulot ng pagdurugo ng kanyang mga organs. Patunay na ang sinapit ng kamatayan ng tao ay mabisang ebidensya na totoo ang nangyari sa kanya. Ito ay kasama sa aming mga armas sa patuloy naming pagharap sa hukuman bilang mga pagtanggol sa tinaguriang Dengvaxia cases.



Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page