ni Lolet Abania | September 10, 2021
Arestado ang mag-asawa matapos na makuhanan ng higit sa P331 milyong halaga ng umano’y shabu sa ikinasang buy-bust ng mga awtoridad sa lalawigan ng Cavite, nitong Huwebes nang gabi.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakumpiska ang bulto-bultong mga pakete ng hinihinalang shabu sa bahay ng mag-asawa sa Imus, Cavite.
Nakasilid sa mga pakete ng tsaa ang nasa 48 kilo ng umano’y shabu na may standard drug price na mahigit sa P331 milyon.
Gayunman, hindi binanggit ng PDEA ang pagkakakilanlan ng mag-asawang suspek. Itinanggi naman ng mag-asawa na sa kanila ang nasabing kontrabando dahil anila, ipinatago lamang umano ito sa kanila ng 2 lalaki na parokyano nila sa negosyong pagpaparenta ng sasakyan.
Hindi rin umano nila batid kung ano ang laman ng mga kahon na iniwan sa kanila.
Duda naman ang mga tauhan ng PDEA sa paliwanag ng mga suspek.
Ayon pa sa PDEA, ilang buwan na silang nagsasagawa ng surveillance sa mag-asawa at nang magpositibo, saka nila isinagawa ang entrapment operation.
Batay rin sa impormasyon ng PDEA, nakatakdang dalhin sa Mindanao ang mga nasamsam na hinihinalang shabu.
Kommentare