ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 12, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Lorie Anne na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Naiisipan kong kumonsulta sa inyo upang malaman ang kahulugan ng aking panaginip na nakasakay ako sa barko at napakaraming mga pating. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Lorie Anne
Sa iyo, Lorie Anne,
Ang buhay ng tao ay isang paglalakbay. Dahil dito, madalas ding napapanaginipan ng mga tao ang nakasakay sa barko at ang eksaktong kahulugan nito ay naglalakbay papunta sa pangarap na magandang buhay o kinabukasan.
Dahil sa panaginip mo ay maraming pating sa dagat, ikaw ay pinag-iingat habang naglalakabay upang marating mo ang iyong mga pangarap.
At dahil kasisimula pa lamang ng Bagong Taon, ang mga sumusunod ay magagamit mo upang lalo mo pang mapakinis ang iyong pakikipagsaparalan. Kaya heto na, narito ang ilang gabay na puwede mong isabuhay:
Mabuting asal at pag-uugali.
Kapag alam mong mali at mapapahamak ka, huwag mong ituloy.
Hindi ka rin dapat matukso sa mga nangangako ng biglaang pagkakaroon ng mga suwerte.
Umiwas ka sa mga tukso dahil ito ay nakasisira ng buhay, kaya iisipin mo muna kung masisira ang iyong buhay bago ka pumasok sa anumang bagay.
Ingatan mo rin ang pakikipagkaibigan dahil ngayong moderno na ang panahon, marami ang mapagkunwari at manggagamit lang.
Bawat kilos, iisipin mo kung ito ba ay para sa ikagaganda ng iyong kinabukasan.
Kailangan mo rin ang lakas ng kalooban at tapang dahil ang mahihina ang loob ay madaling bumigay sa mga hamon ng kapalaran.
Sa dagat, may mga tinatawag na “monsters,” pero sa totoo lang, ang mga ito ay mga bagyo sa karagatan, kumbaga, inakala ng mga tao na ang bagyo sa karagatan ay mga likha ng monsters. Hindi ito totoo dahil imahinasyon lang ito ng mga taong mahihina ang loob at pinanghihinaan ng pag-asa.
Ang mga manlalakbay sa karagatan ay tumitingin sa itaas sa tinatawag na North Star at ito ang kanilang gabay. Ibig sabihin, habang naglalakbay ka sa iyong buhay, huwag mong kalilimutan na manalangin sa iyong kinikilalang Diyos. Hingin mo ang Kanyang gabay upang hindi ka maligaw.
Kailangan mo ring manatiling may tiwala sa iyong sarili. Dahil kung wala ka nito, ang barko ng buhay mo ay hindi magiging matatag.
Kahit ano ang mangyari, hindi dapat mamatay ang ningas ng iyong pangarap. Dahil kapag nangyari ito, para na ring sinabing bigo ka sa buhay mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments