top of page
Search
BULGAR

Nakapikit pero gising ang diwa... Mommy, 11 years nang walang tulog

ni Jenny Rose Albason @Gulat Ka 'No?! | October 09, 2023



Ikaw ba ay hindi mapakali sa iyong kama buong gabi? Bigla kang magigising sa madaling-araw at hirap ka na ulit makatulog? Kung ang sagot mo ay oo, mag-ingat ka dahil baka isa ka rin sa biktima ng sleeping disorders katulad ng 36-anyos na babae sa Vietnam na dumaranas ng insomnia na tumagal ng higit 11 years.


Ang tinutukoy ko ay si Tran Thi Luu, na nagtatrabaho sa isang preschool sa lungsod ng Quảng Ngãi.


Siya ay naging usap-usapan sa social media sa Vietnam matapos maiulat na hindi umano siya natutulog ng mahigit 11 years.


Sinabi ni Luu na ang kanyang decade-long insomnia ay nagsimula sa isang kakaibang episode ng pag-iyak.


Bigla na lamang umanong tumutulo ang luha sa kanyang mga mata sa hindi malamang dahilan, at kahit na humiga siya at ipikit ang kanyang mga mata ay hindi pa rin mapigilan ang pagtulo nito.


Ang kanyang hindi maipaliwanag na pag-iyak ay tuluyang tumigil, ngunit gayundin ang kanyang kakayahang makatulog. Ang kanyang mga mata ay pagod, ngunit ang kanyang isip ay gising na gising, kaya sa nakalipas na 11 taon ay wala siyang ginawa maliban sa humiga nang nakapikit upang makapagpahinga habang ang kanyang asawa at mga anak ay natutulog.


Pumunta si Luu sa Quang Ngai Provincial Mental Hospital upang magpa-check up at du’n ay sinabi ng mga doktor na mayroon siyang severe insomnia.


Niresetahan siya ng mga gamot, at kahit na sumakit ang kanyang mga binti na umabot sa puntong hirap na siyang makalakad dahil sa mga gamot na iniinom niya, desperado siyang makatulog kaya ipinagpatuloy niya ang pag-inom ng mga ‘to.


Gayunman, napakamahal umano ng mga gamot at ang side effects nito ay masyadong matindi, kaya nagdesisyon siyang itigil ang pag-inom nito makalipas ang ilang buwan.


Ang Vietnamese insomniac ay nananatiling positibo tungkol sa kanyang kondisyon, ngunit sinabi niya na marami siyang problema sa kalusugan, tulad ng pananakit ng kanyang mga buto at pananakit ng tiyan na umabot ng isang taon, na sa tingin ni Luu ay maaaring may kinalaman sa kanyang kakulangan sa tulog.


Sa kabila ng kanyang kondisyon, nananatili siyang umaasa na balang araw ay makakatulog siyang muli tulad ng isang normal na tao.


Sino'ng mag-aakala na mayroon palang tao na hindi natutulog at take note, umabot pa ito ng 11 years. Pero kung iisipin ay napakahirap ng kondisyon ni Luu. Kung tayo nga na isang araw lang mapuyat ay masakit na sa ulo, paano pa kaya ‘yung 11 years? Reminder lang mga ka-BULGAR, may mga paraan naman para maiwasan ang pagkakaroon ng insomnia tulad ng regular na pag-ehersisyo, pagbabawas ng pag-inom ng alak at kape, gawing komportable ang iyong sleeping environment, at marami pang iba. Magpatingin din sa doktor kung sa tingin mo ay mayroon kang signs ng insomnia upang maagapan ito at hindi lumala, okie??


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page