ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Nov. 26, 2024
Photo: April Boy Regino - Circulated
Matindi ang dinaanang hirap ng veteran actor na si Efren Reyes, Jr. na siyang nagsulat at nagdirek ng Idol: The April Boy Regino Story dahil inabot pala ito ng limang taon.
Kuwento ni Efren, 2019 nang magkasama sila sa isang event ni April Boy at nagkainteres siyang sulatin ang bio flick nito.
“Sa hotel, nagkakuwentuhan kami at naikuwento nga n’ya sa ‘kin ‘yung buhay n’ya, ‘yung pinagdaanan n’yang cancer, heart failure, tapos, nabulag. Lahat ‘yun, pinagdaanan n’ya. Tatlong dagok sa buhay and yet, nagpe-perform pa rin s’ya,” kuwento ni Efren nu’ng celebrity premiere ng pelikula.
Magsisimula na sana silang mag-shoot nu'ng 2020 pero dahil nagkaroon ng COVID pandemic at Nobyembre 29, 2020 naman binawian ng buhay si Idol April Boy Regino dahil sa cancer, na-shelve ang project pero itinuloy pa rin ito.
“Nu’ng nakaluwag tayo, sabi ni kumander (the producer), ‘Ituloy natin, nangako tayo sa patay,’” wika ni Efren.
Ang Premiere WaterPlus Productions ni Marynette Gamboa ang producer ng pelikula.
Very inspiring daw kasi ang kuwento ni Idol kaya nagustuhan talaga ito ni Efren at gusto niyang ipaalam sa tao ang dinaanan ng nag-iisang April Boy Regino.
“Mas makulay ang April Boy sa likod ng entablado. Dahil nu’ng isinusulat ko ‘to, buhay pa si April Boy. Ang original na script ko na finale scene is si April Boy mismo ang lalabas sa entablado para kumanta,” sambit ng actor/director/writer.
Kaya naging challenge ang pelikula dahil hindi na si April Boy ang lalabas sa finale.
Anyway, napanood namin ang pelikula at maganda ang latag, maayos, lalo na sa production design, naaliw kami dahil luma talaga.
Bilib kami kay John Arcenas dahil bagets pa siya pero tinanggap niya ang karakter na masasabing hindi niya henerasyon at naiarte niya nang husto. Naging kamukha na nga niya si April Boy nu’ng mahaba ang buhok niya, at ang kutis, pareho rin.
At si John mismo ang kumakanta sa buong pelikula na hindi daya dahil bago nagsimulang panoorin ay may production number ang baguhang actor at sakto ang timbre ng boses sa namayapang Idol na si April Boy.
Baguhan din si Kate Yalung na gumanap bilang si Madelyn na wifey ni April Boy. At marunong itong umarte. Eh, kasi naman, kilalang director ang lolo niyang si Ben ‘M7’ Yalung at ang tatay niya ay si Kit Yalung.
Ang ilang awiting pinasikat ni April Boy ay ‘Di Ko Kayang Tanggapin, Umiiyak ang Puso, Paano ang Puso Ko at iba pa na pawang iconic.
Mapapanood ang Idol: The April Boy Regino Story ngayong Nobyembre 27 sa mga sinehan.
INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang klasipikasyon ng mga pelikulang ipapalabas sa linggong ito.
Rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) ang Wicked, na halaw sa isang musikal at pinagbibidahan nina pop icon Ariana Grande at Cynthia Erivo.
Rated PG din ang Conclave, na sumentro sa moralidad at pulitika sa loob ng simbahang Katolika, at Highlight, na hango sa concert ng kilalang Korean band na Highlight.
Ang Kang Mak mula Indonesia ay hango sa Thai horror comedy na Pee Mak at Rated R-13 (Restricted-13) naman ito.
“Ating hinihikayat ang mga magulang na responsableng gabayan ang mga bata para sila’y matutong makapili ng angkop na palabas sa ating mga sinehan,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio.
Comentários