top of page
Search
  • BULGAR

Nakalusot ang Camsur, Tatak GEL nakabawi sa NBL

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 1, 2023



Lalong umaanghang ang laro ng Camsur Express matapos nilang lusutan ang palaban na Muntinlupa, 80-78, sa tampok na laro ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup Linggo ng gabi sa Angelis Resort sa Poblacion, Muntinlupa City.


Sa unang laro, gumanti ang Tatak GEL Binan sa kapitbahay Santa Rosa Lions, 95-88, sa ikalawang kabanata ng Laguna Clasico. Itinayo ng bisitang Express ang kanilang pinakamalaking lamang sa 4th quarter, 70-60, sa 3-points ni Joshua Irvin Ayo. Nagising ang Muntinlupa at humabol, 78-79, sa tres ni Tristan Kyle Villablanca na may 4 na segundong nalalabi.


Mula sa timeout, nakakuha ng foul si Fredson Hermonio subalit isang free throw lang ang naipasok upang maiwang bukas ang pinto sa Muntinlupa na makamit ang unang tagumpay matapos ang tatlong talo. Napunta ang bola kay Villablanca na nagmintis ang tres sabay tunog ng busina.


Hinirang na Best Player si Ayo sa 15 puntos galing sa limang three-points at angatin ang kartada sa 4-2 at solong liderato ng Grupo A. Sumunod sina Verman Magpantay at kapitan Arnaldo Magalong na may tig-12 puntos.


Inangat nina Alexander Villacorta at Danny Diocampo ang laro sa 4th quarter upang kumalas ang Binan sa 84-84 tabla. Nagbagsak ng pinagsamang 6 puntos ang dalawang forward para sa 90-84 lamang at iprineserba ang resulta sa matatag na shooting sa free throw sa last 2 minutes nina Daniel Austria, Raymart Amil at Vilacorta.


Nagtala ng 24 puntos si Best Player Villacorta habang 27 ang kay Diocampo at ipantay sa 3-3 ang panalo-talo habang bumagsak ang Lions ng pangatlong sunod para maging 3-5.


Nakabawi ang Tatak GEL sa 79-86 pagkabigo sa Lions noong Hunyo 25.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page