top of page
Search

Nakalubog sa ilog… ROCCO, 1 ARAW ‘DI KUMAIN AT UMINOM DAHIL SA ROLE

BULGAR

ni Julie Bonifacio @Winner | Feb. 26, 2025



Photo: Rocco Nacino - Instagram


Kakaibang experience para kay Rocco Nacino ang paggawa niya ng pelikulang Bansa (Motherland) ng Cannes Best Director na si Brillante Mendoza.


Una, nagkaroon siya ng chance na makatrabaho si Direk Brillante. Pangalawa, naka-attend siya sa isang international film festival. At ang makagawa ng isang pelikula na may malakas na mensahe ay malaking opportunity for him.


Isa ang karakter ni Rocco sa movie sa 44 members ng PNP-SAF na nasawi dahil sa madugong engkuwentro nila kontra mga Muslim na naganap sa Mamasapano, Maguindanao.


Ginampanan ni Rocco ang role ni Dao-ayen na bukod-tanging nakaligtas sa naturang masaker. 


Ayon kay Rocco, “Maraming hindi nakakaalam na may nabuhay pala. Na ‘yun nga, nabuhay dahil lang sa isang ano ‘yun, kawayan ba ‘yun?”


Sa pamamagitan ng isang stick ng kawayan ay nakakahinga si Dao-ayen habang nasa ilalim ng ilog at nagpapatianod sa tubig. 


Hindi na raw nagpapakita o nagpapainterbyu ang karakter sa totoong buhay na ginampanan ni Rocco. Gusto nga raw siyang makausap ni Rocco para sa iba pang detalye at mailapit ang kuwento niya.


“Si Miss Honey (Alipio, scriptwriter), nakausap n’ya. Pero ayaw n’yang maalala. Alam ko, nakausap n’ya si Miss Honey. Pero nu’ng ako na, ayaw n’ya,” pagri-reveal pa ni Rocco nu’ng nakausap namin pagkatapos ng private screening ng Bansa (Motherland) sa The Secret Garden na pag-aari ni Direk Brillante sa Busilak St., Mandaluyong City last Sunday, February 23.


Ang ipinatawag na artist special screening ni Direk Brillante ang ikatlong beses na napanood ni Rocco ang Bansa.


Ang naunang dalawang beses ay during the 29th Busan International Film Festival sa South Korea noong Oktubre 2024.


“Noong inalok sa ‘kin na maka-attend sa Busan, eh, ginrab ko na ‘yung opportunity na makasama. First time kong maka-experience ng film festival outside the country,” lahad ni Rocco.


Tinanong si Rocco ni Gorgy Rula, isa sa limang members ng press na inimbita sa artist special screening, kung ano ang naramdaman niya nu’ng napanood niya ang Bansa (Motherland).


Bulalas ni Rocco, “Iyak ako! First time kong napanood doon sa festival, iyak ako. Kasi medyo ibinuhos ko… nakita n’yo naman, hindi rin biro ang tumakbo nang naka-paa lang, eh. 


“Saka a lot of times, lalo na ‘yung breakdown eksena na halos mamulikat ako kaaano. Kasi deprived na deprived si Dao-ayen. So medyo whole day, halos hindi ako umiinom ng tubig para maramdaman ko ‘yung pagod talaga.


“Uhaw. Walang tumutulong sa ‘kin. May kasama akong P.A. [production assistant] pero tinanggihan ko kahit ano—tubig, kape, pagkain—para doon sa eksenang ‘yun. Kaya ‘yung dulo, medyo nasuka-suka na ako, kasi nagha-hyperventilate na.”


Siyempre, inusisa si Rocco kung ano ang naramdaman niya na muling napanood ang breakdown scene niya.


“Ay! Napanood ko na! OK na, magtetelepono na ako. Pero pinapawisan ako sa eksena. Ha! Ha! Ha!


“Sabi ko naman sa Korean audience na nakakapagod s’yang panoorin and hindi s’ya exaggerated, kasi totoong nangyari.


“So, this is talaga ‘yung tribute natin sa kanila. Pero kung na-stress tayo sa pagnood, ano pa ‘yung nandu’n sila, 'no? ‘Di ba? ‘Yung tatlong oras, akala nila, may ceasefire, pero wala,” sagot ni Rocco.


Ang iba pang artista na gumanap din bilang SAF members sa Bansa (Motherland) ay sina Mon Confiado, Joem Bascon, Vince Rillon, Kiko Matos, Jess Mendoza, Christian Vazquez, Jomari Angeles, JC Tan, Raion Sandoval, Ryan Mindo, Mac Mendoza, at John Paul Duray.


May special appearance rin sina Ricky Davao, Cesar Montano, Gina Alajar, Epy Quizon, Marvin Agustin, Richard Quan, Ruby Ruiz, Cataleya Surio, Richard Manabat, Mai Fanglayan, at Nikko delos Santos bilang Marwan.



Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page