ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 05, 2021
Marami sa ating mga kababayan ang hanggang sa kasalukuyan ay puro reklamo pa rin ang bukambibig dahil umano sa hindi magandang pagtugon ng pamahalaan na maresolba ang pandemyang ating pinagdadaanan.
Ngunit totoo ang pahayag ng pamahalaan na higit tayong mas maayos kumpara sa mas maraming bansa na ngayon ay nasa grabeng sitwasyon tulad na lamang ng India na nagsasagawa na ng mass cremation dahil sa sobrang dami na ng mga nasawi dahil sa pandemyang ito.
Sa pinakahuling ulat mula sa India, nasa 357,229 ang mga bagong nahawa sa kanila sa loob lamang ng isang araw at dahil d’yan ay umaabot na sila 20.3 milyong kaso na lubhang napakalayo sa ating sitwasyon.
Sa loob lamang ng pitong araw ang India ay nakapagtala ng 2,613,415 bagong kaso ng COVID-19 at mahigit na sa 3,438 ang pinakahuling ulat ng mga binawian na ng buhay at nasa 3.44 milyon naman ang aktibo nilang kaso dahil sa hindi na nila maampat na sitwasyon.
Sa loob lamang ng nagdaang 24-oras ay nakapagtala ng mga bagong kaso ang Maharashtra na may 48,621 na mga bagong nahawa, sinundan ng Karnataka na may 44,438, Delhi na may 18,000, Kerala na may 26,011 at Andhra Pradesh na may 18,000.
Itong mga lugar na ito sa India ay kasama sa talaan ng mga grabeng naapektuhan ng COVID-19 na kumpara sa atin ay halos naglalaro lamang sa mahigit-kumulang sa 10,000 bagong kaso sa loob ng isang araw at sa buong bansa na ito.
Sa buong mundo ay nasa 154,161,386 na nahawa sa nakamamatay na virus, habang nasa 132,273,257 ang mga gumaling, nasa 3,226,272 naman ang mga nasawi kaya huwag natin masyadong sisihin ang pamahalan dahil sa buong mundo ang problemang ito.
Ang United States ang nananatiling worst-hit country na may 33,228,988 kaso, sinundan ng India, Brazil, France at Turkey kaya lamang nitong nagdaang huling pitong araw ay nagdagdag ang India ng pinakamataas na mga bagong kaso na 2,613,415, na sinundan ng Brazil na may 414,123 at US na may 361,019.
Ganyan kalala ang sitwasyon kaya nga ang ating pamahalaan ay nagbigay na ng babala na ang ating bansa ay maghihigpit sa pagpapatupad ng “hard, long and strict” quarantine requirements para sa mga manggagaling sa India sa oras na maalis na ang travel restriction.
At pabor ang marami nating kababayan sa paghihigpit na ito upang hindi na kumalat pa ang mga bagong coronavirus variant na pinaniniwalaang dahilan kung bakit biglang-bigla ang hindi inaasahang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa South Asian country.
Sa ngayon ay nasa 73 na ang mga Pinoy sa India na tested positive sa COVID-19 kabilang na ang may mga mild hanggang moderate na sintomas at dalawa pa lamang ang naitatalang namamatay.
Hindi naman natin puwedeng pabayaan ang may 60 hanggang 70 Pinoy na nagbigay na ng pahayag na nais na nilang bumalik sa ating bansa dahil sa nakakatakot ngang sitwasyon sa India kaya nga lamang ay suspendido pa ang biyahe dahil sa kasalukuyang sitwasyon.
Ayon sa paliwanag ng OCTA Research Team ng University of the Philippines (UP) isa sa mga posibleng dahilan nang muling paglobo ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa ay pagkakaantala ng pagdating bakuna na hindi naman kontrolado ng pamahalaan.
Ngunit higit umanong malaking kadahilanan ang paulit-ulit na hindi pagsunod ng marami sa ating mga kababayan sa umiiral na health protocol partikular ang simpleng pagsusuot ng facemask, face shield, regular na paghuhugas ng mga kamay at physical distancing.
Ayon pa sa mga eksperto, katigasan ng ulo at kawalang disiplina ang mas malaki umanong kadahilanan kung bakit muli tayong bumalik sa grabeng sitwasyon na noong una ay atin nang napigilan ngunit tila apoy na naman itong naglagablab dahil sa madalas na siksikan.
Patunay dito ang ipinapataw na mas mahigpit na community quarantine ng ating pamahalaan kung saan sa loob lamang ilang araw ay nakakaramdam na agad tayo nang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at inaasahang bababa pa sa mga darating na araw.
Nandito na ang bakuna, nandito na ang solusyon, ang tanging puwede na lamang nating gawin ay ipagpatuloy ang sinimulan nating pag-iingat na kayang-kaya naman ng mga Pinoy habang ipinatutupad na ang pagbabakuna.
Kilala naman tayong nagsasama-sama at nagkakaisa sa oras ng kagipitan at kung ito ang ating paiiralin ay hinding-hindi tayo matutulad sa bansang India na labis nating ikinalulungkot ang pangyayari.
Sa kasalukuyan nating sitwasyon, ang mainip talo; ang hindi magpapasakop sa pamahalaan, delikado; ang hindi mag-iingat baka mapunta sa sementeryo!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments