top of page
Search
BULGAR

Nakakalasong alimango, nagkalat


ni Lolet Abania | February 23, 2021



Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region II sa mga residente na nasa coastal area laban sa pangunguha ng iba-ibang uri ng nakalalasong alimango matapos maiulat na namatay ang dalawang bata na nakakain nito noong nakaraang linggo.


Ayon sa ulat, ang dalawang bata ay nasawi makaraang makakain ng isang uri ng nakalalasong alimango na Zosimus aeneus o devil reef crab sa Sta. Ana, Cagayan.


“Isa po siyang nakakalason na crab. Nagtataglay ito ng mga toxins, for example, neurotoxins, mayroon siyang saxitoxin which is kapag nakain itong crab na ito ay talagang magdudulot po ng food poisoning,” sabi ni BFAR Region II officer-in-charge Dr. Jefferson Soriano.


“Base kasi sa sinubmit sa ating samples, maaaring itong species na ito ay naihalo doon sa mga nakuha nila so hindi nila na-identify, na-distinguish itong crab na ito which is poisonous,” dagdag ni Soriano.


Sinabi ni Soriano na ang nangyari sa dalawang bata ay ikalawang naitalang kaso ng food poisoning kung saan kumain ng seafoods sa Sta. Ana town. “The last time is ‘yung ‘buging’ which is isang klase ng goby fish naman which is pareho lang silang nagtataglay ng lason,” sabi ng opisyal.


Ayon pa sa BFAR, ang pagkalason sa devil reef crab ay maaaring pumatay agad sa isang indibidwal ng halos oras lamang. Kabilang sa mga sintomas na mararamdaman ng isang indibidwal matapos na makakain ng poisonous crab ay ang mga sumusunod: • pamamanhid ng dila • paralysis ng mga kamay at mga paa • nahihirapang huminga


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page