ni Justine Daguno - @Life and Style | September 12, 2020
Habang quarantine ngayon, maraming time ang bawat isa para sa kani-kanilang social media. Karamihan sa atin, ito ang ginagamit para sa trabaho o negosyo, para maka-bonding ang mga kaibigan, iba pang mahal sa buhay o kakilala, o para manatiling update sa iba’t ibang ganap.
Pero ang sobrang pagbabad online ay hindi rin maganda, lalo na kung ang mga tao sa ating feed ay hindi karapat-dapat o nagdudulot lamang ng stress sa atin. Kaya naman, bilang solusyon ay dapat natin silang iwasan. Well, sinu-sino nga ba ang mga dapat nating i-delete o ‘tanggalin’ na sa ating social media?
1. TAO SA ‘PAST’ NA HINDI MO NAMAN KA-CLOSE. Friends ba kayo sa FB ng classmate mo noong high school o elementary, pero hindi talaga kayo nagpapansinan sa personal? Kung sa palagay mo, halos isang dekada na kayong hindi nag-uusap, walang problema kung ‘mawala’ na siya sa friend list mo. Malamang, hindi rin niya mapapansin kung i-unfriend mo siya. Hindi lahat ng ganap ng ibang tao ay dapat nating malaman. Bukod sa wala namang ‘substance’ sa kanila ay ganundin sa atin.
2. ‘ALWAYS RIGHT’ NA MGA TAO. Sila ‘yung mga kaibigan o kakilala, at madalas, miyembro ng pamilya na ang buhay ay umiikot lamang sa mga ‘ideya’ na pinili nilang paniwalaan. Hindi nila kayang tumanggap ng pananaw ng iba. Kapag nag-open ng discussion sa kanila, madalas itong nauuwi sa maiinit na argumento kasi ayaw nilang tanggapin o kilalanin man lang ang opinyon ng iba. Kung nakikita mo sila sa iyong feed at hindi ka komportable, i-delete mo na.
3. SUKI NG UNVERIFIED INFORMATION O FAKE NEWS. Minsan, sa sobrang pagka-‘woke’ ng iba, wala na silang pakialam kung maling impormasyon man ang kanilang naikakalat sa kapwa. Meron din namang share lang nang share, kahit hindi naman ito napatunayan ng mga eksperto o kinauukulan. ‘Yung tipong naniniwala agad, kahit out of the context naman. Well, ang mga taong suki ng fake news ay mga taong hindi mo kailangan sa iyong buhay.
4. MGA TAONG MAHILIG SA ARGUMENTO. Masuwerte ‘yung mga taong kaya pang problemahin ‘yung mga bagay-bagay sa kabila ng mga personal nilang problema. Oks lang makipagpalitan ng kuro-kuro, pero madalas ay toxic din. ‘Yung tipong hindi mo sure kung pinatutunayan ba niyang ‘smart kid’ siya o may dugong troll lang. ‘Pag ganyan nang ganyan, nakaka-stress kaya ekis na ‘yan.
5. NANGTI-TRIGGER NG ANXIETY. Sa panahon ngayon, walang problema sa pagpili sa sarili kaysa sa iba. Walang masama sa pagbibigay ng space sa ‘yo at sa ibang tao, lalo na kung hindi na nga healthy, malakas pa maka-trigger ng anxiety.
Sa totoo lang, hindi basehan ang social media para manghusga tayo ng kapwa. Kani-kanyang trip naman talaga pagdating sa platforms na ito. Pero siyempre, hindi naman ‘yun tungkol sa pangingialam natin sa mga naiisip o gusto nilang gawin kundi tungkol sa impact ng mga ito sa atin. Hindi tino-tolerate ang mga ‘toxic people’, kundi nilulubayan para na rin sa sarili nating kapakanan. Okay?
Comments