top of page
Search
BULGAR

Nakaiwas sa tuklaw ng ahas, pahiwatig na ituloy ang pangarap pero mag-ingat

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 01, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Rizza na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nanaginip ako ng maraming ahas. Naglalakad ako, tapos tutuklawin ako ng ahas sa paa, pero nakaiwas naman ako. Tapos, may mga ahas na nag-aabang sa ‘kin kaya natakot ako at nagdasal, pero nandu’n pa rin ‘yung mga ahas. Sa takot ko, bigla akong nagising, tapos akala ko ay totoo talaga ang panaginip ko.


Naghihintay,

Rizza


Sa iyo, Rizza,

Sa gubat, tiyak na may mga ahas at sa siyudad, may mga ahas din, ‘yun nga lang, sila ang mga taong masama ang nasa isip.

Kahit saan ka pumunta, may mga ahas. Sa bahay, alam mo, may mga ahas din at ito ay ang “ahas na tulog,” ‘yun bang palagi na lang natutulog. Sa amin, hindi pinapatay ang ahas na tulog, ang totoo nga, sabi ng matatanda, suwerte ang mga ito.

‘Yung mga sabungero nga, nanghihingi ng hunos ng ahas na tulog dahil pampasuwerte raw ito sa sugal. Ang “hunos” ay ‘yung kapag nagpalit ng balat ang ahas, ‘yun ang maiiwan sa lugar kung saan siya nagpalit ng balat.

Hindi lahat ng ahas ay masama dahil may mga ahas din na mabubuti at nakatutulong sa mga tao. Tulad ng kinatatakutan na ahas na sawa, ang kinakain nila ay mga daga na perhuwisyo sa mga magsasaka. Ang ulupong o cobra ay ganundin, kinakain din nila ang mga daga na nasa bukirin.

Pero ang mga taong may personalidad na ahas, ‘yun ang masama dahil sinasabing masama ang hangarin nila sa kapwa. Kumbaga, traydor, taksil, mandaraya, sinungaling at walang iniisip kundi mapasama ang kapwa.

Sa panaginip, kailangang magpatuloy sa pangarap mo, ibig sabihin, kahit maraming ahas sa landas ng buhay na iyong tatahakin, huwag kang aatras. Muli, magpatuloy ka, pero mag-ingat ka.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page