top of page
Search
BULGAR

Nakaimbak na relief goods para sa mga kalamidad, ipamigay na!

ni Ryan Sison - @Boses | April 21, 2021



Habang tumatagal ang ating pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic, pakonti nang pakonti ang tulong na natatanggap ng mga pamilyang apektado ng pandemya mula sa gobyerno.


Kung noon ay panay ang pamamahagi ng relief packs ng mga lokal na pamahalaan at tuluy-tuloy ang pagbibigay ng tulong-pinansiyal, bagama’t ngayon ay mayroon pa rin, hindi na ganu’n ang bigayan.


Kaya ang siste, kani-kanyang diskarte ang mamamayan para may makain sa araw-araw, gayundin upang makatulong sa mga kapwa nangangailangan.


Nauso na nga ang ‘community pantry’ sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan puwedeng maglagay ng bigas, gulay, prutas at kung anu-ano pa na puwedeng kunin ng mga walang kakayahang bumili. Pero dahil galing lamang ang mga pagkaing ito sa donasyon, hindi tiyak kung hanggang kailan ang suplay nito.


Samantala, hinihimok ng isang mambabatas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipamigay na ang relief goods na nakaimbak sa bodega ng ahensiya para matulungan ang mga pamilyang apektado ng pandemya.


Giit ng mambabatas, ang nasabing relief goods ay nakatambak lamang sa mga bodega ng DSWD at National Food Administration (NFA), na bahagi ng pondo ng ahensiya para sa taong 2021.


Dagdag pa rito, inilaan umano ang mga relief goods para sa posibleng pagtama ng iba pang kalamidad sa bansa tulad ng malalakas na lindol at bagyo.


Kung tutuusin, may punto naman ang mambabatas, kaya sa halip na masayang ang sandamakmak na relief goods para sa taumbayan, mabuting maipamahagi na ito habang napakaraming pamilya ang nagugutom.


Tutal, sa pera rin naman ng taumbayan nanggaling ang pondo para rito, hayaan nating mapakinabangan ito ng nakararami.


Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, isip-isip na bago masayang ang mga nakaimbak na ito. Tandaan nating napakaraming kumakalam na sikmura na nakaasa lamang sa tulong ng gobyerno para lamang maitaguyod ang bawat araw.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page