ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 28, 2021
Nangangamba ang inyong lingkod dahil napag-alaman nating malaki-laki pa ang hindi nagagastos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pondo nito dalawa’t kalahating buwan na lang bago matapos ang taon.
Kamakailan ay inihayag natin sa Senate public hearing sa panukalang budget ng TESDA para sa 2022 na epekto ito ng hindi maayos na pagpaplano at hindi maayos na fiscal management. Kung pipilitin nating gastusin ang natitira pang malaking pondo sa loob ng taong ito, lalabas na gagamitin natin ito para lang masabing nagastos ang inilaang pondo at ito ang iniiwasan natin.
Para magasta ng TESDA ang naturang natitira pang pondo, kinakailangan nitong gumastos ng mahigit P2 bilyon kada buwan. Ngunit kung susuriin ang datos ng ahensiya noong 2020, halos P700 milyon lamang ang nagagastos nito kada buwan. Nitong Setyembre 24 naman, umabot lamang sa 58 porsiyento ang Effective Utilization Rate (EUR) ng TESDA.
Bukod pa rito, ang hindi maayos na paggamit sa pondo ay nauuwi sa mga sitwasyong paglilipat ng pondo sa Philippine International Trading Corporation (PITC).
Pinuna rin ng Commission on Audit (COA) na noong 2019 ay naglipat ng pondo ang TESDA sa PITC ng halagang umabot sa P2 bilyon. Ngunit nawala na ang awtoridad ng ahensiyang gamitin ang pondo batay sa General Appropriations Act (GAA) ng Fiscal Year (FY) 2019. Sa ilalim ng Republic Act No. 11464, pinalawig ang bisa ng paggamit ng pondo sa ilalim ng 2019 GAA hanggang sa pagwawakas ng 2020. Ang pondo ay hindi naibalik sa TESDA o sa National Treasury.
Itong naturang pondo ay inilipat sa PITC upang makabili ng toolkits para sa Special Training for Employment Program (STEP) ng TESDA, pero hindi pa tapos ang pamamahagi ng mga toolkits.
Kaya nakalulungkot malamang dahil sa naantalang pagpapamahagi, hindi nagamit ng mga scholars ang mga toolkits habang isinasagawa ang kanilang mga training.
Nakadidismaya dahil nagiging hadlang ito sa pagkamit ng layunin ng Technical and Vocational Education and Training (TVET) o tech-voc dahil ito ay skills-based training.
Kailangan nila ang mga toolkits upang sila ay makapag-ensayo. Ngunit, paano nila ito magagawa kung wala silang toolkits?
Kailangang maipamahagi na agad ang lahat ng toolkits upang matulungan ang mga trainees na makakuha ng trabaho. Mukhang hindi ganito ang nangyayari. Kailangang maresolba ang pamamahala nito at hindi na ito dapat maulit sa susunod na taon at sa mga susunod pa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments