ni Lolet Abania | July 28, 2021
Nagpositibo sa test sa COVID-19 si Senador Richard Gordon. Ito ang inamin ni Gordon sa isang radio interview ngayong Miyerkules nang umaga kung saan tinamaan siya ng respiratory disease at kasalukuyang naka-quarantine.
"Ako mismo, right now. Natamaan ako. So I’m staying home,” ani Gordon habang tinatalakay ang COVID-19 response ng Philippine Red Cross.
Gayunman, si Gordon ay asymptomatic subalit kung pag-uusapan ang kanyang kalusugan, aniya, nakararamdam siya ng pagbabago dahil nahihirapan siyang makatulog. “Wala [symptoms] pero nagpapa-test ako. Mukhang asymptomatic ako, nasa bahay lang ako ngayon,” sabi ni Gordon.
Ayon sa senador, fully vaccinated na siya kontra-COVID-19, kung saan AstraZeneca vaccine ang itinurok sa kanya. Ang kanyang asawa at staff members naman ay nagnegatibo sa test sa COVID-19 subalit sasailalim pa ang mga ito sa isa pang test matapos ang tatlong araw.
“Nakapagbakuna na kami. Magte-test siya [wife] about three days,” sabi ng senador. Gayundin, sinabi ni Gordon na dahil sa mas nakahahawang Delta variant, pinayuhan siya ng kanyang doktor na humingi ng medikal na atensiyon, kung saan dapat na ipa-check nito ang kanyang lungs at dugo. Posible ring sumailalim siya sa CT scan ngayong araw.
Sa hiwalay na statement, ipinaalala naman ni Gordon sa publiko na ang mga indibidwal na nabakunahan na ay maaari pa ring ma-infect ng COVID-19. “I have been fully vaccinated and am grateful for the protection the vaccine affords me today. While infections in vaccinated people are relatively uncommon, they can and do happen. What vaccines offer, as has been documented in countries with high rate of vaccination, is protection against serious illness, hospitalization, and death. Vaccines work and they save lives,” saad ni Gordon.
Si Gordon ang ikaanim na senador na nakumpirmang tinamaan ng COVID-19. Ang iba pang senators na nagpositibo sa Coronavirus ay sina Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Sonny Angara, Aquilino Pimentel III, Ronald dela Rosa, at Ramon "Bong" Revilla, Jr..
Comments