top of page
Search
BULGAR

Naiwan sa sinapupunan ng ina.. Beybi, isinilang na putol ang ulo

ni Lolet Abania | June 13, 2022



Kahabag-habag ang sinapit ng isisilang na sanang sanggol na babae matapos lumabas na putol at naiwan ang ulo nito sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina nang iniluluwal na sa isang infirmary sa Binalbagan, Negros Occidental.


Batay sa ulat, nasa pitong buwan pa lamang umano na ipinagbubuntis ni Nereza Tarig, 25-anyos, ng Barangay Payao, ang kanyang beybi nang biglang sumakit ang kanyang tiyan. Agad na dinala si Nereza ng mister niyang si John Rommel, 25-anyos, sa isang infirmary upang suriin at tingnan ang kondisyon ng mag-ina.


Nabatid na suhi o baliktad ang posisyon ng sanggol sa sinapupunan ng ina, base sa ginawang pagtatanong ng doktor at staff ng naturang infirmary.


Gayunman, sinabihan umano si Nereza na puwede pa rin daw niyang mailuwal ang kanyang beybi ng normal delivery. Dahil sa patuloy pa rin ang pagsakit ng tiyan ni Nereza, sinabihan umano siya ng doktor ng infirmary na iluwal na niya ang kanyang beybi.


Subalit, ayon kay Nereza, hiniling niyang ilipat o i-refer na lamang umano sila sa ibang ospital. Nang ilalabas na ni Nereza ang kanyang beybi mula sa sinapupunan, nagulat umano siya na katawan na lang ng anak ang nakita habang putol na o wala na itong ulo.


Saka lamang isinugod si Nereza sa district hospital sa Kabankalan City upang kunin ang ulo ng sanggol sa loob ng kanyang sinapupunan. Kahit premature dahil sa pitong buwan lamang ang kanilang beybi, naniniwala ang mag-asawa na may tibok pa rin umano ang puso nito nang iluluwal na ng kanyang ina.


Sa ngayon, nasa bahay at nagpapagaling na umano si Nereza, subalit nais nilang mag-asawa na mabigyang linaw at hustisya ang sinapit ng kanilang beybi.


Ayon sa mag-asawa, posible umanong nagkaroon ng kapabayaan ang naturang infirmary sa nangyari.


Sinubukan namang hingin ang panig at paliwanag ng doktor na nagpaanak kay Nereza ng mga reporters, subalit ayon umano sa isang staff ng infirmary, pinayuhan umano sila ng legal team na huwag magbigay ng anumang komento hinggil sa insidente.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page