ni Melba Llanera @Insider | Feb. 6, 2025
Ngayong inamin na ni Herlene Budol na sumailalim siya sa series of psychological therapy nang madawit ang pangalan niya sa isyu nina Rob Gomez, Bianca Manalo at sa live-in partner ng Kapuso actor na si Sheila Rebortera — kung saan pinagpiyestahan ng mga netizens ang nag-leak na private messages ni Rob sa dalawang Magandang Dilag (MD) co-stars — naalala namin kung ano ang ipinayo ng dati niyang manager at ngayon ay Ahon Mahirap first nominee na si Wilbert Tolentino kay Hipon Girl.
Sa panayam namin noon kay Wilbert sa nakaraang pagbisita niya sa Malabon para magkaloob ng mga bigas at e-trikes sa iba’t ibang barangay doon, ibinahagi ng Ahon Mahirap first nominee na ang ipinayo niya kay Herlene ay magsabi lang ito ng katotohanan at maglabas ng official statement.
Kuwento pa ni Wilbert, tiningnan niya ang mga screenshots na nag-leak, at marami rito ay hindi galing kay Herlene — pinaghalu-halo na lang ng ibang vloggers at ginamit sa accounts nila para makakuha ng maraming views.
Ayon pa kay Wilbert, sinabihan niya ang dating alaga na wala silang dapat iisyung public apology dahil single noong panahon na iyon si Rob. Sa ini-release nitong statement, kinlaro niya na walang katotohanan ang mga paratang at pinalala lang ito ng iba.
Si Herlene pa rin ang mukha ng Ahon Mahirap at hindi naging rason ang mga negatibong isyu para hindi ito kunin ng naturang partylist.
Paliwanag sa amin ni Wilbert, si Herlene ang perpektong halimbawa ng isang tao na hindi alintana ang kahirapan para abutin ang kanyang pangarap at baguhin ang kanyang buhay—na siyang adbokasiya ng Ahon Mahirap.
Sa kabilang banda, ibinalita rin sa amin ni Wilbert na pagkatapos ng dalawang taon ay plano niyang isali uli si Herlene sa isang international beauty pageant, lalo't nananatili ang pangarap nito na maging international beauty queen.
Sa ngayon, nakapokus muna ang Kapuso actress sa kanyang series sa GMA, ang Binibining Marikit (BM), na ayon sa aktres ay siyang pagtutuunan niya ng panahon at atensiyon.
Sorry, mga kafatid! TRANS AT MAY-ASAWA, BAWAL SA MISS WORLD PHILS. QC 2025
SAMANTALA, sa nakaraang Ms. World Philippines Quezon City 2025, pormal na humarap sa media ang sampung contestants para sa kanilang national costume presentation.
Suot ang kanilang mga naggagandahan at makukulay na national costumes sa event na ginanap sa Grand West Side Hotel, lumutang ang ganda at kaseksihan ng mga kandidata.
Nakapanayam din namin dito ang franchise director ng Ms. World Philippines Quezon City 2025 na si Ms. Jen Jarina. Ayon sa kanya, ang hinahanap niya sa mananalo ay may magandang mukha at katawan, matalino, may social awareness, leadership, at magandang attitude.
Ikinuwento rin niya na magaganap ang coronation night nito sa darating na April 5 sa Novotel Manila. Ang kokoronahan bilang Ms. World Philippines Quezon City 2025 ay isasali sa Ms. World Philippines national pageant sa ilalim ng franchise na pinangungunahan ng National Director nito na si Arnold Vegafria — bukod pa sa P300,000 thousand bilang cash prize.
Hiningan namin ng reaksiyon kung bukas ba ang Ms. World Philippines Quezon City sa mga transwoman at sa mga may-asawa na nagbabalak sumali rito.
Ayon kay Ms. Jen Jarina, naniniwala siya na may tamang beauty pageants para sa kanila, at ang Ms. World Philippines QC ay para lamang sa mga single at straight na babae.
Comments