top of page
Search
BULGAR

Nais lamang magserbisyo nang tapat… Atty. Luna, walang awang pinaslang

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 23, 2023


Ang buhay ng isang public attorney ay sadyang sakripisyo, at batbat ng panganib.


May mga pagkakataon na hindi na rin alam ng ating mga public attorneys kung saan sila lulugar habang kanilang ipinagtatanggol ang kanilang mga kliyente.


Hindi rin maiwasan na sa kanilang pagganap ng tungkulin ay mayroon ding nakaambang panganib sa kanilang seguridad.

Sa kasaysayan ng Public Attorney’s Office (PAO) ay walong public attorneys na ang nagbuwis ng buhay, ito ay sina:

1) Atty. Eugenia Campol, PAO-Bangued, Abra District Office.

2) Atty. Luis Dote, PAO-Legaspi City District Office.

3) Atty. Teresita Vidamo, PAO-Las Piñas District Office.

4) Atty. Ramon Elesteria, PAO-Dumaguete South District Office.

5) Atty. Reymund Luna, PAO-Infanta District Office.

6) Atty. Dante Untalan, Sr., PAO-San Carlos City District Office.

7) Atty. Richard Punzalan, PAO-Pinamalayan, Mindoro District Office.

8) Atty. Honorato Mazo, PAO- Kabacan, North Cotabato District Office.

Sa nakaraang isyu ng column rito sa Bulgar, ay tinalakay natin ang tungkol sa isang babaeng public attorney na nabanggit sa itaas na si Atty. Eugenia Campol. Ngayon naman ay tampok ang kasaysayan ni Atty. Reymund Luna.


Si Atty. Luna ay ipinanganak noong Enero 23, 1984 sa Lopez, Quezon. Nasa elementarya pa lamang siya noon ay nagpamalas na siya ng angking talino. Siya ay nagtapos sa elementarya bilang Valedictorian. Nagsilbi itong hudyat sa magiging tagumpay niya bilang isang mag-aaral at propesyonal. Nagtapos siya ng hayskul sa PUP Laboratory High School; ng Bachelor of Science in Psychology, at Bachelor of Laws sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Nagtapos siya ng pag-aaral ng batas noong 2009, kumuha ng Bar Examination noong taon din iyon, at pumasa bilang abogado nang sumunod na taon. Pagdating ng Hunyo 15, 2010, bilang isang bagong abogado, ang pagiging public attorney kaagad ang kanyang napiling propesyon. Nang maging bahagi na siya ng PAO-Infanta, Quezon, si Atty. Luna ay nakasama sa mga assisting Public Attorneys ng inyong lingkod sa isang kaso ng isang pinaghihinalaang miyembro ng CPP-NDF, na si Maria Miradel R. Torres. Magiting na naging tagatulong ng inyong lingkod si Atty. Luna bago mailipat ang kaso ni Miradel sa PAO-Taguig, Metro Manila.

Madaling araw ay gumigising na ang inyong lingkod, kasama ng ilang public attorneys at ni Atty. Luna para mag-appear sa Regional Trial Court of Infanta, Quezon, Branch 65, kung saan siya ang resident Public Attorney, upang ipagtanggol si Miradel na noon ay bagong panganak pa lamang.


Nang dahil sa kahilingan ng Bureau of Jail Management o BJMP ay nailipat sa Regional Trial Court ng Taguig ang kaso kung saan napawalang-sala si Miradel. Subalit, ang nakalulungkot ay nagpaalam si Atty. Luna na siya ay lilipat sa Prosekusyon. Ilang beses siyang pinigil ng inyong lingkod – hindi lang isa, dalawa, tatlo o hanggang apat na beses.


Ang sabi ko, “Huwag kang lumipat sapagkat ang mga hawak mo ay kaso ng mga akusado na pinagbibintangang nagrebelde sa gobyerno”. Pero tumuloy pa rin si Atty. Luna hanggang sa siya ay naging isang Prosecutor, at naging kabahagi na ng Taga-usig ng mga pinagsususpetsahan din na rebelde sa gobyerno. Si Atty. Luna ay dating tagapagtanggol subalit napabalitang bilang prosecutor ay naging taga-usig na ng mga pinaghihinalaang mga miyembro ng nasabing grupo na minsan ay ipinagtanggol niya.

Isang araw, kumakain siya ng tanghalian sa harapan ng Hall of Justice, nang may biglang narinig na putok ng baril, matapos noon ay nakitang duguan, nakahandusay, at wala nang buhay si Atty. Luna. Naganap ang trahedyang ito noong Pebrero 4, 2016, at siya ay 32-years-old pa lamang.

Ito ay isang malinaw na halimbawa ng conflict of interest – tagapagtanggol pagkatapos ay naging taga-usig ng kaparehong isyu o problema sa ating lipunan. Ang pagtitiwala ng mahihirap na kliyente ng PAO o fiduciary relation ng PAO sa kanilang mga kliyente ay hindi puwedeng mabahiran ng pagdududa o masasabing double cross. Ang anumang bahid na nagiging sanhi ng kawalan ng tiwala ng mga kliyente, at iba pang mga taong aming pinaglilingkuran bilang public attorneys ang pinaka-iingatan ng aming Tanggapan na maging mitsa na maglalagay sa panganib ng buhay ng aming mga abogada at abogado na humahawak ng kanilang mga kaso.

Kaya naman halos lahat ng mga kawani ng PAO ay magalang, marespeto at tigib ng pangamba na humihiling sa Kataas-taasang Hukuman na muling pag-aralan at rebisahin ang Section 22 ng Bagong “Code of Professional Responsibility and Accountability” para hindi mabahiran ng pagdududa hindi lamang ang buong PAO kundi ang Judicial System.


Ang masaklap nito ay maaaring madagdagan ang mga dumadaing mula sa madilim na hukay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page