ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 18, 2023
Umani ng batikos sa social media ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) makaraang tawagan ng pansin ng isang grupo na nagtatanggol sa karapatan ng LGBTQ+ ang naturang ahensya dahil sa pagbilang sa kanilang sektor sa priority lanes.
Ayon sa grupong Bahaghari, buong puso naman nilang tinatanggap ang pagmamalasakit na nais ipatupad ng LTO para sa LGBTQ+, ngunit tila misguided umano ito o nalihis ng tamang pakahulugan na nais ituwid ng mga kapatid nating nasa hanay ng LGBTQ+.
Ang mga priority lanes nga naman na ipinatutupad ng pamahalaan ay itinalaga upang pagsilbihan o bigyan ng tulong ang mga kababayan nating may problema sa pisikal na kalagayan upang hindi mahirapan.
Karaniwang gumagamit ng priority lanes ay ang mga senior citizen, buntis, person with disabilities (PWD) at iba pang may kahalintulad ng sitwasyon upang mapagaan ang kanilang sitwasyon na tila hindi naman katanggap-tanggap sa panig ng LGBTQ+.
Maliwanag ang punto ng grupong Bahaghari na hindi naman kapansanan ang pagiging kaanib ng LGBTQ+ dahil hindi naman ito nakakaapekto sa kanilang pisikal na kapasidad sa lahat ng kanilang dapat gawin.
Kahit naman mabuti pa ang intensyon ng LTO sa kanilang accommodation sa hanay ng LGBTQ+, maaari itong humantong sa ‘misleading implication’ na ang pagiging kaanib nito ay isang kapansanan.
Mabigat talaga ang naging epekto ng hakbanging ito ng LTO sa LGBTQ+ community dahil sa unang pagkakataon pa lamang na kumalat ito ay agad nang pinag-usapan dahil nag-viral sa social media.
Isang post noong nakaraang Sabado ang nagpapakita ng isang larawan ng tanggapan ng LTO sa San Isidro District Office sa Isabela Province na may nakasulat na katagang ‘priority lane for senior citizen, pregnant woman, person with disability and LGBTQ+’.
Parang apoy na kumalat ang larawan at naging isyu ito maging sa mga grupo ng ‘Marites’ na nagkukumpulan sa mga palengke hanggang sa mga kapatid natin sa maliliit na beauty parlor ay pinag-usapan ang larawang ito.
Natural na ang paulit-ulit na pagkalat ng ganitong uri ng larawan ay tinatanggap na kalaunan sa pag-aakalang ito ay tama, ngunit may ilan tayong kapatid sa hanay ng LGBTQ+ na hindi lamang insulto ang kanilang naramdaman, bagkus ay may mga nagtanim ng galit.
Hindi lang noong Sabado nangyari na kumalat ang ganitong post dahil noong nakaraang Pebrero ay nagpakita rin ang Batanes District Office ng LTO na isang dekorasyon ng lobo na hugis puso na may nakasaad ding ‘Special lane for senior citizen, person with disability, pregnant woman and LGBTQ+’.
Kaugnay naman sa pangyayaring ito, nagpaliwanag ang pamunuan ng LTO na wala naman silang masamang intensyon, maliban sa umano nilang itaas ang kumpiyansa ng LGBTQ+ na hanggang ngayon ay kinukutya at tinatakwil upang mabigyan ng patas na pagtratao.
Ayon sa LTO, ang pagbilang umano sa LGBTQ+ sa priority lanes ay bahagi lamang ng kanilang ‘gender and development’ (GAD) project para sa buwan ng Marso ng taong kasalukuyan.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin ang pamunuan ng LTO na nagsasabing wala umano silang malisya at masamang intensyon para saktan ang mga kaanib ng LGBTQ+ at sa mga nasaktan sa kanilang GAD project ay hindi umano ito sinasadya.
Kung ang grupong Bahaghari ang tatanungin, handa umano silang makipagtulungan sa LTO upang makabuo ng mga panuntunan at maresolba ang napakaliit, ngunit lumaking isyu dahil lamang sa kakulangan ng pag-aaral at konsultasyon.
Sa kabuuan ng mga mensaheng ipinadala sa social media ng ating mga kapatid sa hanay ng LGBTQ+ ay iisa lang naman ang kanilang himutok—hindi kapansanan ang pagiging bakla o tomboy at nais nilang tratuhin nang patas na dapat naman nating gawin.
Kaya sa susunod, dapat tayong maghinay-hinay dahil kahit sa hanay ng mga gumagamit ng motorsiklo ay mataas na porsyento na ang kaanib ng LGBTQ+ at mahusay sila maging sa pagsunod sa batas trapiko.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments