top of page
Search
BULGAR

Nainlab sa kumare habang nasa abroad si kumpare, dapat nang umiwas

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 09, 2021





KATANUNGAN

  1. May kumare ako at tawagin na lang natin siyang Carmela, na mas bata sa akin ng limang taon at hindi ko alam na kaya niya pala ako kinuhang ninong sa panganay nilang anak ay may lihim pala siyang gusto sa akin. Sa ngayon, nasa abroad si kumpare at dahil wala ang kanyang mister, nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Inamin niyang ako ang gusto niya kaysa sa kasalukuyan niyang asawa, pero nauna akong nag-asawa at hindi ko siya niligawan noong mga binata at dalaga pa kami.

  2. Noong bago pa lang ang relasyon namin, regular at madalas kaming nagtatagpo nang palihim at regular ding may nangyayari sa amin. Pero ngayon, dahil may pandemya ay medyo paiwas na ako dahil natatakot din ako sa aming ginagawa. Kaya lang, nang mapansin niyang umiiwas na ako, sinabi niyang bahala raw ako kapag nabisto kami ng mister niya at misis ko. Magka-vibes din kasi sila ng misis ko at madalas na nagkakakuwentuhan, kaya kinakabahan ako dahil ayaw kong masira ang aming pamilya.

  3. Sa palagay mo, Maestro, kapag tuluyan ko nang iniwasan ang babaeng ito, ititimbog kaya niya ang lihim naming relasyon at baka ito pa ang maging dahilan para magkahiwalay kami ng misis ko at masira ang aming mga pamilya?


KASAGUTAN

  1. ‘Yan ang problema, Rex, gagawa-gawa ka ng kalokohan at ngayon ay natatakot ka sa magiging resulta!

  2. Kunsabagay, talagang ganu’n ang mga medyo good boy pa ngayon. Kapag nakagawa ng kasalanan o pagkakamali, dahil hindi sila sanay sa kanilang ginawa, madali silang natatakot at nagugulumihanan.

  3. Gayunman, ‘wag kang masyadong matakot at kabahan dahil bagama’t may malinaw na Guhit ng Pambababae (Drawing A. at B. I-I arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay hindi naman gaanong umusad at nagtagumpay. Sa halip, matapos lumagpas sa Life Line (L-L arrow b.), agad ding namatay ang nasabing Guhit ng Pambababae (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Ito ay malinaw na tanda na bagama’t nagawa mong mambabae, ito ay maiiwasan mo rin dahil tulad ng nasabi na, likas pa rin sa iyong puso at pagakatao ang pagiging mabuti. Ang ikinaganda pa nito, dahil likas ka ngang takot gumawa ng kasalanan, kung may pagkakataon mang muli kang mambabae, ito ay hindi mo na uulitin pa at agad na susunggaban.

  5. Ang pag-aanalisang minsan lang kakatok sa iyong karanasan ang pambababae pero hindi na muling mauulit pa ay madali namang kinumpirma ng malinaw, makapal at kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na anuman ang mangyari sa ginagawa mong pambababae ngayon, lubhang mapalad ka pa rin dahil ang lahat ng ‘yan sa dakong huli ay lilipas din hanggang sa maluwalhati mong malusutan ang minsang kalokohan na iyong ginawa ay mauuwi na lang sa isang masarap balikan pero makasalanang bahid ng alaala sa iyong isipan.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Rex, nakatakda na ang magaganap — habang unti-unti mong iniiwasan ang iyong kumare, kusa nang papabor sa iyo ang kapalaran at pagdating ni kumpare galing sa abroad, ganap na ring huhupa ang pagnanasa n’yo sa isa’t isa.

  2. At sa sandaling humupa nang tuluyan ang libido, tuluy-tuloy na ring mabubura at mapaparam ang interes n’yo sa isa’t isa, hanggang sa hindi na maulit pa ang inyong palihim na pagtatagpo. At dahil hindi na kayo nagkikita, magkakalimutan na rin kayong dalawa at maluwalhati ka nang makapagmu-move on at makababalik bilang tapat na asawa at ulirang ama sa iyong mga anak.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page