top of page
Search
  • BULGAR

Naiiba raw sa ibang love teams… RONNIE, 'DI KAYANG ITAGONG GF SI LOISA

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | May 22, 2022


“Paano kami naiiba sa kanila? Hindi sila umaamin,” ito ang diretsong sagot ni Ronnie Alonte sa tanong kung ano ang pagkakaiba nila ni Loisa Andalio sa ibang love teams ng Kapamilya Network.


Sa Love in 40 Days advance screening na ginanap sa Santolan Town Plaza, nakatsikahan ng media ang buong cast sa pangunguna nina Ronnie at Loisa.


Dahil sa love team, nagkalapit ang mga damdamin nina Ronnie at Loisa at ngayon ay anim na taon na ang relasyon nila sa darating na Nobyembre, 2022.


Sa pagpapatuloy ni Ronnie kung ano pa ang pagkakaiba nila sa ibang love teams, “Unang-una sa lahat, siyempre, ako kasi talaga, kaya umaamin talaga, hindi ko nakikita ‘yung babae na nasasaktan at hindi ko siya kayang ipagmalaki sa social media.


“Magkahawak kayo ng kamay sa mall, mapipiktyuran, maggaganyan, maglalambingan, (may magtatanong), ‘Kayo ba?’ ‘Hindi, friends lang kami.’ Parang nakakabastos ‘yun sa isang babae! Para sa akin, ‘yun ang pagkakaiba namin,” paliwanag nang mabuti ng aktor.


Hiningan naman ng host na si MJ Felipe ng reaksiyon ang mga kababaihang kasama sa Love in 40 Days tungkol sa sinabi ni Ronnie at sagot nila ay "Very good."


Dagdag pa ni Ronnie, “Totoo po, kasi ang sarap-sarap ng mayroong taong nagmamahal sa ‘yo at saka ‘yung pagiging makatotoo namin sa tao na hindi kami showbiz at ‘yung ipinapakita namin sa tao, sa social media, sa lahat, lahat po ‘yun, totoo, walang halong ka-echos-an!”


Inamin naman ni Loisa na si Vice Ganda ang nakahuling sila na ni Ronnie.


“Si Vice ‘yun, eh, nahuli niya kami, hindi kami nagsisinungaling doon kasi friendship namin siya,” say ni Loisa.


Nakatawang sabi pa ni Ronnie, “Kaya sa mga love team talaga, umamin na kayo para…”


Aminado ang dalawa na hindi naging madali ang mga pinagdaanan nilang pagsubok para maging matatag ang kanilang relasyon.


“Sa mga pagsubok pong dinaanan namin ay isa ‘yun sa dahilan na nagpatibay ng relasyon namin dati at alam namin na hindi pa (natatapos), marami pang darating at darating at naniniwala kami na sa pagsubok na ‘yun ay doon kami titibay 'pag nalampasan namin,” kuwento ng aktor.


At in fairness to Ronnie, simula nang maging sila ni Loisa ay walang nabalitang tumingin siya o na-link siya sa ibang babae kaya naman very proud ang binata nang sabihin niyang, “Malinis po ako. Walang iba.”


Sa tanong kung paano napapanatiling mainit nina Loisa at Ronnie ang kanilang relasyon ngayong mag-aanim na taon na sila, “Siguro, ‘yung relasyon namin ni Ronnie, para kaming mag-tropa, mag-best friend. 'Pag may problema kami, hindi kami nag-aaway o pinag-aawayan namin kasi pinag-uusapan namin kaagad. And tingin ko, ‘yun ang ikinatagal ng relasyon namin, communication and trust,” pahayag ng aktres.


Kuwento rin ni Ronnie, wala rin silang pakialam sa sinasabi ng ibang tao, basta masaya sila ni Loisa at kung ano ang nakikitang ipino-post nila sa kanilang social media accounts, lahat ay totoo at hindi para lang masabing okay sila.


Samantala, nakakaantig ang kuwento ng Love in 40 Days dahil tungkol sa taong namatay na at maraming unfinished business na binigyan ng 40 days para ayusin lahat at saka pa lang tatawid o madedesisyunan kung saan siya patungo — kung pataas o pababa.


Bagama’t alam naman ng lahat at pinaniniwalaan ito ng iba na 'pag namatay na ang tao ay hindi pa ito kaagad nawawala sa mundo, nananatiling nasa paligid pa ang kaluluwa niya, kaya nga may nagsasabing nagpaparamdam o nagpapakita kasi may mga bilin pa.

Kaya nga inaalala rin ang 40 days dahil ito na ‘yung hudyat na paalis na siya sa earth at patungo na siya sa final destination.


Interesting ang Love in 40 Days series, sana mapanood ito ng lahat para hangga’t maaga ay magnilay-nilay na sila bago maging huli ang lahat.

Subaybayan ang Love in 40 Days simula Mayo 28 sa iWantTFC app at website, at sa Mayo 30 naman nang 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z.


Kasama rin sa cast sina Janice de Belen, Maria Isabel Lopez, Jojit Lorenzo, Mylene Dizon, Chie Filomeno, Trina Legaspi, Vaughn Piczon, Raven Molina, Renshi de Guzman, Andi Abaya, Brendix Ramon, Kobie Brown, Ahron Villena, Bart Guingona, Ana Abad Santos, Lotlot de Leon and Leo Martinez. Sina Jojo Saguin at Emmanuel Q. Palo ang direktor nito.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page