ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 19, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Susan na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nananaginip ako at gusto kong malaman ang kahulugan nito. Nahulog ako nang bumaba ako sa hagdan dahil sa panaginip ko, may inaabot ako kaya nahulog ako. Sa ngayon, labis akong nag-aalala sa panaginip kong ito dahil nga nahulog ako. Kaya sana ay mabigyan n’yo ito ng kahulugan. Maraming salamat!
Naghihintay,
Susan
Sa iyo, Susan,
Sa mundo ng panaginip, ang hagdan ay simbolo ng mga pangarap o ambisyon ng nanaginip na gusto niyang maabot. Ang hagdan din ay nagbabalita ng success in life na puwedeng makuha ng nanaginip.
Sa totoo lang, inaakyat talaga ang bundok ng tagumpay, kaya ang success ay ang mararating ang tugatog, rurok at tuktok ng pangarap o ambisyon natin sa buhay. Kumbaga, kailangang akyatin muna, para makarating sa tuktok.
Dahil tulad ng nasabi na, ang hagdan ay iisa lang ang kahulugan sa mga panaginip at ito ay nagbabalita na maaabot mo ang pangarap mo, kumbaga, ang hagdan ay magandang mapanaginipan ng mga taong may ambisyon sa buhay.
May isa pang masayang balita kaugnay ng hagdan at baka magulat ka at hindi makapaniwala. Tingnan mo!
Ang pag-akyat ay “climb” sa wikang Ingles, kaya ang umaakyat ay “climb up” dahil ang hagdan ay palaging iniuugnay na may aakyatin.
Pero ano ba sa wikang Ingles ang bumaba o pababa sa hagdan? Ano pa nga ba? Eh, ‘di “climb down,” napansin mo ba na nandu’n pa rin ang salitang “climb?”
Kaya sa mundo ng panaginip, hindi mahalaga kung nahulog, bumaba o nadapa ka dahil sapat na na may hagdan sa panaginip para masabing maaabot ng nanaginip ang kanyang mga pangarap at ambisyon.
Ito rin ay nagpapaalala na maganda talaga sa isang tao, lalo na sa dalagang tulad mo na may pangarap sa buhay. Dahil ang walang pangarap ay walang mararating o mapapala at ang kanilang buhay ay wala ring kabuluhan.
Sabi nga, “mangarap ka at muling mangarap.” Tutukan mo ang iyong mga pangarap at mabuhay ka ayon sa iyong pangarap at makikita mo na ang mga bagay na gustung-gusto mong maabot ay tiyak na makakamit mo.
Kumbaga, walang ambisyon na hindi muna nangarap, kaya ang pinakamahalaga sa lahat sa buhay ng bawat tao ay ang siya ay may pangarap.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments