ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 15, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Dorithy na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Hinuli ng mga pulis ang kapatid ko dahil sa drugs. Hinanap namin siya sa mga presinto pero hindi namin nakita. Sabi ng janitor sa police station, itinatago ‘yung kapatid ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? Hindi ako mapakali kahit halos isang linggo na ‘yung panaginip ko.
Naghihintay,
Dorithy
Sa iyo, Dorithy,
Karaniwan, ang mga hinuli ng pulis dahil sa drugs ay itinatago muna, pero kapag nagawa na nila ‘yun, kunwari ay aktuwal na hinuli at tatawag pa ng opisyal ng barangay bilang testigo saka pa lang ilalabas ang kanilang nahuli. Ibig sabihin, ang suspek ay dalawang beses na hinuhuli kasi ‘yung una, bigla na lang dinampot nang walang mga opisyal ng barangay at sa ikalawang paghuli ay may testigo nang mga opisyal.
Siyempre, ‘yung unang paghuli, mali pero ‘yung ikalawa ay mali rin. Kaya lang, wala namang nagagawa ang mga pangkaraniwang tao o mamamayan dahil sila ay mahirap lang.
Sa iyong panaginip, hinuli ang kapatid mo, ibig sabihin, sa tunay na buhay ay hindi naman siya hinuhuli. Ang iyong panaginip ay nagsasabing maaaring alam mong nagda-drugs ang kapatid mo o may hinala ka na siya ay gumagamit.
Dahil dito, makikitang ninenerbiyos ka dahil baka bukas-makalawa ay hulihin ang kapatid mo.
Mahirap paniwalaan pero sa mundo ng pag-aanalisa ng mga panaginip, may isang basehan na nagsasabing ang naganap na sa panaginip ay hindi na magaganap sa reyalidad. Bakit? Kasi nga “naganap na.”
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Commentaires