top of page
Search
BULGAR

Nagugutom na ang transport sector, wala pa ring ayuda!

ni Grace Poe - @Poesible | June 01, 2021



Habang tumatagal ang pandemya, lalong nalulubog sa kahirapan ang mga kababayan nating nawalan ng kabuhayan. Sa dami ng nagsasarang negosyo at kumpanyang nagtatanggalan ng trabaho, marami ang ga-hibla na lamang ang layo sa desperasyon. Kabilang sa mga ito ang transport sector workers na hindi nakapasada mula pa noong Marso ng nakaraang taon.


Batid natin ang hinaing ng mga PUV drivers at transport sector workers noon pa mang simula ng pandemya kaya iginiit nating makinabang sila sa service contracting program na binigyan ng alokasyon sa Bayanihan 2. Nasa 5.58 bilyong piso ang ginawang alokasyon noong aprubahan ang programa noong Setyembre 2020. Sa awa naman ng Diyos, nasa 461.8 milyong piso pa lang ang naipamumudmod sa mga nararapat na benepisaryo. Ibig sabihin, wala pang 1/10 ng alokasyon sa budget ang naipamigay. Ang kaso, hanggang Hunyo 2021 lang ang paglalabas ng ayuda, kaya napakalaking halaga na makatutulong sana sa ating mga kababayan ang masasayang. Maliban na lamang kung magkaroon ng ekstensiyon, babalik lamang ang naka-budget na sanang pantulong sa ating national treasury.


May isang buwan pang natitira para ibigay ang nailaan nang ayuda para sa mga PUV drivers at transport sector workers na talaga namang nawalan ng kabuhayan ngayong pandemya. Bilis-bilisan ang distribusyon kaysa mapaso ito nang hindi nakararating sa dapat makinabang.


Ang pagbagal ng service contracting program ng pamahalaan para sa PUV drivers at transport sector workers ay karagdagang pahirap sa kanila. Naipasa na ang budget nito — ibibigay na lang. Bawasan ang red tape, gawing sistematiko ang pagpapatupad, para mapakinabangan ng mga nangangailangan ang tulong sa kanila sa panahong ito.


Lahat tayo ay takot sa COVID. Nakikita nating nakamamatay ang karamdamang ito. Pero alam ninyo, mga bes kung ano pa ang nakamamatay? Gutom. Kawalan ng tirahan. Kahirapan.


Bilis-bilisan ang pamimigay ng nararapat na ayuda. Huwag natin hintaying patay na ang taong dapat sanang makinabang sa tulong ng pamahalaan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page