top of page
Search
BULGAR

Nagsori nga raw, 'di naman sincere… MON, KINASUHAN NA SA NBI ANG BLOGGER NA NANIRA SA KANYA SA FB

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 14, 2024



Showbiz news
Photo: Mon Confiado

“Ngayon, Mr. Jeff Jacinto alias “Ileiad”, gusto kong ipaalam sa ‘yo na ang inihain kong kaso sa NBI ay hindi joke. Ito ay totoo,” ito ang huling bahagi ng post ng premyadong aktor na si Mon Confiado laban sa blogger na ginawa siyang katatawanan sa social media, kung saan ipinost nito ang larawan ng aktor at ginawan ng kuwento.


Follow-up ito sa naisulat namin dito sa BULGAR na sentimyento ni Mon sa blogger nang ipinost nito ang kanyang larawan para gawing content.


Foul ang ginawa ni Jeff Leanneroie Bonilla Jacinto alyas “Ileiad” dahil nadungisan ang magandang pangalan ni Mon Confiado na kilala bilang maayos na tao at sa tagal niya sa industriyang ginagalawan ay wala siyang nakasamaan ng loob.


Humingi naman daw ng sorry itong si Ileiad pero hindi tinanggal ang post kaya nagdesisyon na ang aktor na magsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation o NBI nu'ng Lunes nang umaga.


Ipinost ni Mon ang larawang pinirmahan niya ang kanyang reklamo sa harap ng abogado ng NBI.


Aniya, “Dear Mr. Jeff Leanneroie Bonilla Jacinto alias “Ileiad”, nawa’y maging aral sa ‘yo ito at sa ating lahat na ang paggamit ng pangalan at larawan ng walang pahintulot ay krimen. Na ‘di lahat ng jokes ay nakakatawa at ‘di lahat ng jokes ay para sa lahat. Dapat sana, ang joke ay nakakapagpasaya at hindi nakakasira ng tao.”


Saka nagkuwento si Mon tungkol sa sarili.


“Mr. Jeff Jacinto alias “Ileiad”, ako’y isang tahimik na tao. Never na nasangkot sa kahit isa o anumang gulo sa buong buhay ko, wala ako ni isang kaaway o nakaaway man lang.


“Ako ay tahimik na nagtratrabaho lamang bilang aktor. At bilang aktor, ang aking pangalan ay aking pinagkakaingat-ingatan dahil ito ang aking puhunan para ako’y makakuha ng trabaho.


“Ngunit ako ay nagulat dahil biglang direktang ginamit mo ang aking pangalan at larawan ng walang pasintabi sa isang joke na tinatawag n’yong “copypasta”.


“Ang problema kahit ito ay isang joke o “meme” lamang, hindi pamilyar ang lahat ng tao dito at ito ay ipinost mo sa “Facebook (FB)”. At alam mo naman ang mga tao ay napakadaling maniwala sa mga ganyang posts.


“Siyempre, ang ilan d’yan ay maniniwala at ire-repost agad dahil katulad mo ay gusto lang din makakuha ng mga likes kahit may masagasaan.


“Ako ay may mga ginagawang pelikula, may mga endorsements at may ongoing na transaction para maging “brand ambassador” ng isang produkto. Paano kung dahil sa maling pagkakaintindi sa joke mo ay maapektuhan ang aking mga trabaho? Dapat ba’y tumahimik lang ako? Dapat ba ako pa ang mag-adjust at pabayaan ko na lang at ‘wag na ako mag-react?


“Mr. Jeff Jacinto, uulitin ko, ako ay nananahimik at ginulo mo. Pero nu’ng nag-comment ako sa post mo at sa messenger mo, sinabihan mo pa ako ng, “Is this a threat”? Hindi mo pa din ito tinanggal hanggang kinabukasan ng gabi.


“Oo. Nag-public apology ka kunwari later on pero sarcastic at hindi sincere, wala ni katiting na pagsisisi at proud ka pa sa ginawa mo. At ginagawa n’yo pa akong katatawanan ng mga followers mo. At ngayon ikaw na ang biktima at ako na ang masama.


“Ngayon, Mr. Jeff Jacinto alias “Ileiad”. Gusto kong ipaalam sa ‘yo na ang inihain kong kaso sa NBI ay HINDI JOKE. Ito ay TOTOO.”


Bukas ang BULGAR sa panig ni Ileiad sa isyu nila ni Mon Confiado.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page