top of page
Search
BULGAR

Nagsimula sa madalas na pagligo... 11-anyos, nilagnat, 'di makakain at bumagsak ang platelet count

bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 10, 2021



Kung saan diumano pinroteksiyunan ay doon pa ginupo ng matinding karamdaman. Binabalot ng pangungusap na ito ang himutok ni G. Florante Ocfemia ng Makati City, isang nagluluksang ama sa pagkawala ng panganay na anak na si Kenchie Ocfemia. Ani G. Ocfemia, “Sinasabi nilang ang Dengvaxia vaccine na itinurok sa aking anak ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya. Pero namatay si Kenchie at ang sabi ay Severe Dengue ang dahilan nito.”


Si Kenchie, 11-anyos na namatay noong Agosto 9, 2018 ang ika-80 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa kanilang lugar noong Agosto 14, 2017. Kalagitnaan ng kanilang summer break sa eskuwelahan, nagreklamo si Kenchie na sumasakit ang kanyang ulo, subalit nawawala naman ito. Noong Hulyo 2018, may napansin ang kanyang pamilya na kakaiba niyang ginagawa. Ayon sa kanyang ama, “Kapag nanggagaling siya sa eskuwelahan ay naliligo siya. Hindi naman niya ito ginagawa noon kaya nagtaka kami. Dati, tuwing papasok at bago matulog lamang siya naliligo, subalit noong Hulyo 2018 ay palagi siyang naliligo at kapag siya ay aming tinatanong, ang sagot niya ay naiinitan daw siya.”


Noong Agosto 2018, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Kenchie, umabot siya sa kritikal na kalagayan na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Agosto 4 - Nilagnat si Kenchie at umabot ito ng 40 degrees Celsius. Dinala siya sa isang ospital sa Makati City at ipinakita nila ang kanyang Dengvaxia Immunization Card. Isinailalim siya sa laboratory tests at binigyan siya ng antibiotics at paracetamol, at umuwi na sila. Nagpatuloy ang lagnat niya at hindi na siya makakain. Kahit anong pagkain na ibinibigay sa kanya ay isinusuka lamang at tubig na lang ang pumapasok sa katawan niya.

  • Agosto 5 - Dinala si Kenchie sa health center sa kanilang lugar at sinabi na isasailalim siya sa eksaminasyon. Sinabi ng doktor na mag-CBC at NS1-D1 examination si Kenchie. Dahil matagal ang magiging resulta kapag doon gagawin, nagdesisyon ang mga magulang ni Kenchie na dalhin siya sa emergency room (ER) ng isang ospital sa Makati. Natatakot na rin kasi ang mga magulang ni Kenchie sa kalagayan niya dahil hindi na ito kumakain. Pagkatapos siyang kuhanan ng dugo, nakita na mababa na ang platelet count niya at ito ay 90 na lamang. Sinabi rin ng mga doktor na positive na sa dengue si Kenchie at hindi na siya pinauwi.

  • Agosto 7 - Bumaba na nang bumaba ang platelet count ni Kenchie at bumagsak ito sa 25. Patuloy ang pagbantay kay Kenchie ng mga doktor hanggang sa sinabi nila sa mga magulang nito na nawawalan siya ng blood pressure (BP).

  • Agosto 8 - Alas-5:00 ng madaling-araw, ipinasok sa ICU si Kenchie. Habang siya ay nasa ICU, pawala-wala ang kanyang BP at pulso. Bumaba na rin sa pito ang platelet count niya. Nagkaroon siya ng maraming rashes sa braso at sa katawan at alas-5:00 ng hapon, nilagyan na siya ng tubo. Tinapat ng doktor ang kanyang mga magulang na ang pinakamalalang dengue ang dumapo kay Kenchie. Habang nasa ICU, nagwawala siya dahil sa sakit kung saan sinusubukan niyang tanggalin ang mga apparatus na nakakabit sa kanya. Nakita ng mga magulang ni Kenchie ang hirap niya habang siya ay nasa ICU. Ani G. Ocfemia, “Awang-awa kami sa kanya at dinudurog ang aming puso sa naging kalagayan niya.”

  • Agosto 9 - Pumanaw si Kenchie. Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay Severe Dengue (Antecedent Cause). Ani G. Ocfemia, “Napakasakit para sa aming mag-asawa ang biglang pagpanaw ng aming panganay. Isa siyang masigla at malusog na bata at bilang panganay ay naaasahan na namin si Kenchie sa pag-aalaga sa kanyang mga nakababatang kapatid. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”


Ang nangyari kay Kenchie ay nagsisilbing tagapagpaalala ng kahalagahan ng pre-vaccination screening at ng tama at sapat na pagpapaliwanag tungkol sa pagpapaturok ng bakuna sa mga seronegative na katulad niya at maging sa mga seropositive man. Ang mga datos na ito ay mahalagang maibahagi upang magkaroon ng matalinong pagpapasya. Anang ama ni Kenchie, “Hindi nila kami binigyan ng pagpapaliwanag bago turukan si Kenchie sa maaaring maging epekto nito sa kalusugan niya. Kami ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kalusugan ng aming anak.”


Ang naipagkait na katotohanan sa pamilyang Ocfemia hinggil bakuna ay sinisikap namin sa PAO — na hiningan nila ng tulong kasama ng PAO Forensic Laboratory Division — na huwag matumbasan ng pagkakait ng katarungan habang inilalaban namin sa hukuman. Ang laban naming ito para sa katarungan ay para rin sa katotohanan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page