ni Gerard Arce @Sports | April 1, 2024
Tila kailanganing dumaan pa sa panibagong pagsusuri sa mga espesyalista ang kalagayan ng mata ni 2020+1 Tokyo Olympics silver medalist at 2024 Paris-Bound boxer Nesthy Petecio lalo pa’t daraan sa matinding pagsasanay at paghahanda para sa Summer Olympics sa Hulyo sa France.
Tila inaasahan ng 2019 Ulan-Ude World women’s featherweight titlist na maaaring tumindi pa ang problema sa kaliwang mata sakaling aksidenteng tamaan ito sa ensayo lalo pa’t mas iigting ang kanyang ensayo para sa asam na kauna-unahang gintong medalya ng Philippine boxing sa Olympiad.
Ang 31-anyos ng Davao del Sur ang itinuturing na kauna-unahang babaeng boksingero sa Olympics na nagwagi ng medalya subalit may iniinda ito sa kanyang katawan, maging ang muscle injury sa kaliwang kamao. “[Nagawa] na naming magpacheck-up sa isang eye center, pinuntahan talaga namin ni coach Mitchell (Martinez) yun, kaya iyon medyo nag-okay naman yung mata ko sana magtuloy-tuloy na (pero) malaman ko iyon this next week kung matamaan siya kung babalik pa,” kwento ni Petecio sa reporters nang makapanayam sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Inalala ng two-time Southeast Asian Games gold medalist ang mga pangyayari sa kanyang laban sa First Olympic Qualification sa Italy, na nahihirapan itong imulat ang kanyang mata dulot ng nakuhang gasgas nito. “Panay ang dasal ko noon tapos sinasabayan ko na rin ng pag-iingat kase kapag nakita ng referee iyon, pwedeng ipatigil yung laban. Kay sabi ko Lord, ikaw na bahala, ibubuhos ko na lahat,” paglalahad ni Petecio.
Inamin din nitong patuloy ang pag-inom ng pain reliver upang maibsan ang sakit sa kanyang kaliwang kamay na nakuha niya sa laan kay Esra Kahraman ng Turkey sa paborito nitong women’s under-57kgs category, bago makuha ang 4-1 split decision na panalo sa Olympic qualifying.
Comments