ni Mary Gutierrez Almirañez | May 18, 2021
Arestado ang mag-asawang nagpanggap bilang board members ng Professional Regulation Commission (PRC) sa Calabash PCP Sampaloc, Maynila, ayon kay Sampaloc Police Lt. Joseph Villafranca ngayong umaga, May 18.
Ayon sa ulat, nabuking ang modus nina Armi Liquid at Mario Liquid nang makatanggap ang mga pulis ng tip mula sa isang anonymous caller na taga-Capiz at Zamboanga.
Ang sistema, nagpapabayad umano ang mga ito ng mahigit P4,000 hanggang P7,000 sa kada PRC taker, kapalit ang kopya ng answer sheets upang makapasa sa board exam.
Dagdag pa ni Villafranca, iba’t ibang pangalan ang ginagamit ng mga ito sa pambibiktima.
Nakumpiska rin sa mag-asawa ang ID ng isang lehitimong empleyado ng PRC, ngunit nang i-verify iyon ay hindi nag-match ang kanilang mga profile.
Sa ngayon ay kasong falsification by private individuals and use of falsified documents, usurpation of authority at using of fictitious name ang hinaharap nila.
Commentaires