ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | May 3, 2022
Hindi nagustuhan ng maraming netizens ang ginawa ni Ai Ai delas Alas na panggagaya kay Quezon City Mayor Joy Belmonte para ikampanya ang kanyang sinusuportahang si Mike Defensor na kumakandidato ring alkalde ng Kyusi ngayong darating na halalan.
Naglabas ng campaign video si Ai Ai kung saan ay gumaganap siya bilang si Hon. Ligaya Delmonte na pinaniniwalaang parody version ni Mayor Joy.
Pati boses nga kasi ni Ai Ai sa video ay parang si Mayor Joy, pati ang pagsasalita. Well, noon pa naman talaga sinasabing magkaboses sila.
Anyway, sa video ay sinasabi ni Ai Ai (as Ligaya Delmonte) na kakaiba raw ang lakas at kapangyarihan ni Mike. Sinabi rin niyang ine-endorse niya ito bilang bagong mayor ng Kyusi.
May mga natawa sa video at mayroon ding nagalit lalo na nga ang mga supporters ni Mayor Joy. Anila ay binabastos daw ni Ai Ai ang kanilang mayora. May nagsabi ring ang cheap ng ginawang ito ng komedyana.
Maging sa showbiz ay may mga hindi nagustuhan ang ginawa ni Ai Ai. Isa na nga rito ay ang veteran columnist at talent manager na si Lolit Solis.
Sa kanyang post sa Instagram, sinabi niyang pathetic ang dating ng gimmick ni Ai Ai.
“Naloka ako sa gimmick ni Ai Ai delas Alas, Salve. Trabaho lang 'yung mag-endorse ng kandidato. Okay lang kung sino ang kumuha at nagbayad sa iyo. Pero choice mo pa rin kung ano ang mga dapat mong gawin o sabihin,” simula ni 'Nay Lolit.
“Ok, magkalaban, siyempre, kani-kanyang labas ng gimmick at salita. Pero dapat naman siguro, maging polite ka pa rin sa mga gagawin mo, maliban na lang kung gusto mo talagang isara lahat ng pinto, at never na kayong magiging magkaibigan uli after the election.
“Komedyante si Ai Ai delas Alas. Kung gusto niyang gawing katatawanan ang sarili niya, why not? Pero sana, iwasan niya na gumamit ng ibang tao para lang maging katawa-tawa.
“Pathetic ang dating, forcing thru, hard sell, gutter comedy, 'yan ang masasabi ko sa ginagawa niyang kagagahan tungkol kay Mayor Joy Belmonte,” patuloy pa ng beteranang columnist-talent manager.
Sa huli ay pinangaralan niya rin si Ai Ai na magkaroon naman ng respeto at huwag lumampas sa guhit.
“Kung suportado niya ang kalaban ni Mayor Joy, OK lang, no big deal. Pero sana, walang bastusan. Sana, igalang niya pa rin ang office na pinamumunuan ni Mayor Joy Belmonte.
“Matuto ka sana, Ai Ai, kung saan dapat huwag lalagpas. Baka ang ending, hindi mo makayang dalhin. Gamitin ang utak para hindi magkamali, hindi magsisi. Piece of advice, Ai Ai, dahan-dahan lang, baka madapa,” ani 'Nay Lolit.
Comments