top of page
Search
BULGAR

Nagnakaw daw, pinalayas, nagdemanda... RUFFA, TALO SA KASO SA 2 KASAMBAHAY, PINAGBABAYAD

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | April 2, 2023



Pinagbabayad ng korte ang aktres na si Ruffa Gutierrez ng halagang P13,299.92 at unpaid wages pro-rated 13th month pay sa dalawang kasambahay niya dati sa loob ng sampung araw pagkatanggap nito ng Notice of Finality of Decision mula sa Department of Labor and Employment.


Matatandaang pinaalis daw ni Ruffa ang dalawa niyang kasambahay na dalawang linggo pa lang naninilbihan sa bahay niya sa Alabang noong Hulyo, 2022.


Ang dahilan ay inaway daw ng dalawang kasambahay ang mayordoma niyang matagal nang nagsisilbi sa kanya sa loob ng 18 years.


At dahil dito ay nagsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang mga nabanggit na kasambahay ng aktres.


Sa madaling salita ay natalo si Ruffa sa asuntong isinampa ng dalawang kasambahay.


Ang nasabing desisyon ay lumabas na ilang buwan ang nakararaan, base ito sa binasa ng content creator at talent manager na si Ogie Diaz sa Showbiz Update YouTube channel nila ni Mama Loi kasama sina Ate Mrena at Tita Jegs na in-upload nu'ng Biyernes nang gabi.


"Nanalo 'yung dalawang kasambahay na pinaalis ni Ruffa Gutierrez sa kanyang Alabang house at nandoon 'yung dalawa sa gate ng Ayala Alabang Village.


"Noong September, 2022 ay sinubukang pag-ayusin sina Ruffa at ang dalawang kasambahay. Pero, parehong ayaw ng mga ito na mag-compromise kaya’t itinuloy ang kaso," sabi ni Ogie.


Walang apelang natanggap ang korte mula sa kampo ni Ruffa kaya’t dinesisyunan na bayaran niya ang dalawang kasambahay.


Sa pagpapatuloy ni Ogie, "Kilala ko naman si Ruffa, in fairness, mabait naman ang batang 'yan. Ilang beses na kaming nagkakausap niyan at nakikita kong mabait si Ruffa. Pero siyempre, hindi naman ako 'yung naging kasambahay, 'ika nga.


"Sila 'yung merong experience o kuwento about Ruffa at ngayon nga ay nabigyan na ng pansin ng DOLE and I’m sure si Ruffa ay tutugon sa desisyon na ito. Maliit na bagay at maliit na halaga lang naman ito, para hindi tuparin ni Ruffa ang kanyang obligasyon doon sa dalawang kasambahay.


"Sana, matapos na ito. At the end of the day, siguro, gusto lang patunayan ng dalawang kasambahay na hindi totoo ‘yung mga ibinibintang sa kanila noong sila’y napalayas sa bahay nina Ruffa at 'ika nga’y nakakahinga na sila nang maluwag sa iisipin ng tao na sila’y may kasalanan o nagnakaw sa bahay ni Ruffa.


"Siguro, lesson na rin ito sa lahat, maging sa akin na ang pagtrato sa mga kasambahay ay para ring kapamilya. At siyempre, sa mga kasambahay, kapag itinuring kayong kapamilya, patunayan ninyo na kahit hindi kayo magkadugo, eh, alam ninyong maaasahan kayo ng inyong mga employer sa lahat ng bagay, lalo na ang tiwala, huwag ninyong sasayangin,"

mahabang litanya ni Ogie.


"Sana rin ay magkaayos na ang dalawang panig at magkapatawaran na rin lalo na ngayong malapit na ang Mahal na Araw," ang hirit naman ni Mama Loi.


Bukas ang BULGAR para sa panig ni Ruffa Gutierrez.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page