Naglalagablab ang bola nina Curry at Ja Morant
- BULGAR
- 14 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | Apr. 5, 2025
Photo: Stephen Curry at Ja Morant - FB / GSW / Memphis Grizzlies
Umapoy muli ang shooting ni Stephen Curry upang hatakin ang bisitang Golden State Warriors sa 123-116 tagumpay sa Los Angeles Lakers sa NBA sa Crypto.com Arena. Bumida din si Ja Morant sa importanteng 110-108 panalo ng Memphis Grizzlies sa Miami Heat.
Matapos bumuhos ng 52 noong isang araw, 37 lang si Curry subalit higit sa sapat ito para makamit ang ika-45 panalo sa 76 laro at isang panalo na lang ang hahabulin sa 46-30 Lakers na bumaba sa pang-4 sa Western Conference. May pag-asa rin ang GSW na umangat hanggang pangalawa na hawak ng Houston Rockets (50-27).
Nagsimula ang laro sa sagutan ng tres nina Brandin Podziemski at Austin Reaves at kinuha ng GSW ang unang quarter at hindi na sila lumingon, 26-22. Nalimitahan sa apat lang si Curry sa gitna ng husay ng mga kakampi subalit iyan ang hudyat para uminit at itayo ang kanilang pinakamalaking lamang, 55-39.
Sinikap bumalik ng Lakers at naging lima na lang ang agwat sa huling 5 segundo sa 3-points ni Reaves, 116-121 at 35 segundo sa orasan. Binigyan ni Reaves si Curry ng foul at ipinasok ang dalawang paniguradong free throw.
Galing sa timeout, ipinagpag ni Morant ang depensa ni 7’0” Kel’el Ware para sa nagpapanalong 2 puntos kasabay ng huling busina para tapusin ang 4 na sunod na talo. Bago niyan ay itinabla ni Tyler Herro ang laro sa 108-108 at may 14 segundong nalalabi.
Gumana para sa 11 ng kanyang 30 si Morant sa huling quarter. Ito na rin ang unang panalo ni Coach Tuomas Iisalo matapos italaga kapalit ni Coach Taylor Jenkins. Bumuti rin ang pag-asa ng Minnesota Timberwolves sa 105-90 panalo sa Brooklyn Nets. Pumutok para sa 28 si Anthony Edwards.
Comments