top of page
Search

Nagkasagutan dahil kay Paolo… CRISTY KAY LOLIT: NAGDA-DIALYSIS KA NA, MAGPAGAMOT KA NA LANG

BULGAR

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 16, 2023



Nilinaw ni Nanay Cristy Fermin na hindi niya pinepersonal ang aktor na si Paolo Contis bilang isa sa mga hosts ng Eat… Bulaga! sa GMA-7.


Parte kasi ng post ng manager ni Paolo na si Manay Lolit Solis sa kanyang Instagram account nu'ng Miyerkules nang gabi, “Nagtataka ako bakit lately, parang halos araw-araw pinipitik ni Cristy si Paolo? May nagawa kayang mali si Paolo? Nasaktan ba niya si Cristy? Oh, baka naging punching bag lang siya dahil may ibang gustong patamaan si Cristy?


“Oh, baka naman may naninira kay Paolo kaya naging ganoon ang image nito kay Cristy?


Sana naman ay constructive lang ang pitik ni Cristy kay Paolo. Sad ako dahil feeling ko, baka sa akin galit si Cristy at nadamay lang si Paolo.”


Isa-isa naman itong sinagot ni ‘Nay Cristy sa radio program nila ni Romel Chika na Cristy Ferminute sa Radyo5 92.3 TRUE FM kahapon nang tanghali.


Bungad ng host, “Alam n’yo po, mga kapatid, ayaw na ayaw ko ang ganito, na ang mga kahanay ko ay kailangan kong tapatang sagutin.


“Mula po nang nawala ako nu’ng isang taon sa Take It Per Minute… Megano'n, pagkatapos kong maglabas ng saloobin ko, tapos na po sa akin ‘yun. Wala na po kayong narinig na anuman mula sa akin.


“' Yun pong galit na sinasabi ni Manay Lolit, na baka may galit ako sa kanya na ibinabato ko kay Paolo Contis, ang sama ng loob ko sa kanya. Hindi po, totoo ‘yun. Tapos na po ako sa tampo ko sa kanila ni Mr. Fu nu’ng nakaraang taon pa.


“Ang napagtanto ko po sa aking sarili nu’ng iwan nila ako sa gitna ng laban (ay) panahon.


Nagkaroon po ako ng matagumpay na Showbiz Now Na, meron pang Cristy Ferminute, ano pa ba'ng regalo ang kailangan nating matanggap mula sa langit, ‘di ba naman?


“Okay, ako po ay magpapaliwanag dahil ang titulo ng kanyang (Manay Lolit) IG ay pinepersonal ko ba si Paolo Contis? Kayo po ang saksi, hindi po ako lumabas at lumabis sa parametro ng isyu na ibinabato kay Paolo.


“'Yung isyu tungkol sa mga anak niya kay Lian Paz, ‘yung anak niya kay LJ Reyes na si Summer na alam naman po natin at inamin niya (Paolo) na hindi niya sinusustentuhan, hindi na nga sinusustentuhan, hindi man lang dinadalaw, ‘yun po ang parameter na tinatawag natin.


“Hindi ko po pinersonal si Paolo Contis. Narinig n’yo bang sinabi kong ‘Ang laki-laki ng bilbil nitong si Paolo. Wala namang karapatang maging host ito, tingnan n’yo naman ang hitsura, may-edad na, magganyan-ganyan pa siya?’


“Pinersonal ko po ba? Wala po akong ganu’n na sinabi. ‘Yung pagpuna ko po kay Paolo Contis ay sa linya lang pong barometro ng trabaho.”


Ipinaliwanag din ni ‘Nay Cristy na nu’ng punahin niya si Paolo na binabasa nito sa teleprompter ang kanyang saloobin dahil bina-bash silang mga bagong hosts ng EB! ay related pa rin ito sa trabaho.


Dito na nga tinalakay ng batikang manunulat at host ang salitang propesyonal at personal. Ang ibinigay niyang halimbawa ay ang mga sinabi noon ni Manay Lolit tungkol kay Bea Alonzo.


“Kabsat (Manay Lolit), ang pamemersonal sa isang personalidad ay tulad ng ginawa mo noon kay Bea Alonzo.


“Ano ang madalas mong sulatin, i-post at sabihin sa ere? May wrinkles na si Bea Alonzo, laylay na ang mga balat sa katawan, hindi na fresh ang kanyang kagandahan at hindi na siya bagay itambal kay Alden Richards dahil matanda na siya. Ganu’n ang personal na paninira sa personalidad.


“Never kong ginawa ‘yan, pero ikaw ang namersonal noon kay Bea na ikinasakit ng loob ng dalaga, ng kanyang pamilya, ng kanyang manager, kaya nga nagsalita na si Shirley Quan, ‘di ba, at ang kanyang mga tagahanga? ‘Yun ‘yung eksaktong ehemplo ng pamemersonal ng alaga.”


Tinalakay din ni ‘Nay Cristy ang nabanggit ni Manay Lolit na baka may galit siya sa manager ni Paolo at idinaan lang ito sa aktor.


“Wala akong galit sa iyo! Mula’t mula, alam mo ‘yan! Binalikan ko nga ang mga texts mo sa akin last year, July, August at September. Ako’y nalulungkot nang balikan ko ito kanina.


“Ang sabi mo, ‘Kabsat, kagigising ko lang, hindi ako makabangon, hilung-hilo ako. Gusto kong magtrabaho pero parang wala akong gana, ganito yata kasi dahil 75 (edad) na ako, pero tanggap ko na kung anuman ang mangyayari, buti ka pa, malakas pa ang katawan mo.’


“Nu’ng sumunod na araw ang itinext mo, '‘Di na ba tayo magkikita-kita pa ulit? Sana, magkita-kita pa tayo.’


"Kabsat, pinahahalagahan ko ang mga ganito, kaya ‘yung galit sa puso, ano ang aking payo sa iyo? 'Kabsat, huwag kang nagpapa-stress, alisin mo lahat sa puso mo ang galit, ang pagsisisi kung kaninuman, ang paninira kung kaninuman, tanggalin mo! Kasi ang stress ang unang-unang pinagmumulan ng ating mga sakit.'


"Ano ang sabi ko sa ‘yo? ‘Nagpapa-dialysis ka na, alisin mo na ang lahat ng ‘yan, tutukan mo na lang ang pagpapagamot mo.’


“Sabi mo nga, ‘Oo nga, Kabsat, eh. Naku, ewan ko nga ba kung bakit ganito ako? Basta.’


“Ito, sasabihin ko sa iyo ngayon lang, hindi mo alam, Kabsat, bahagi ka ng mga panalangin ko (pigil ang luha). Totoo ‘yan! Isa ka sa mga taong hinihingan ko na magkaroon ng mas mahaba pang buhay sa Diyos, dahil alam ko na ang ating Panginoon ang may hawak ng ating buhay.



“Siya ang pinakamahusay na doktor dito sa lupa at may hawak ng pinakamabilis na gamot sa mundo na makakapagpagaling sa ating sakit.


“Bahagi ka ng mga panalangin ko, kaya ‘yung galit na sinasabi mo na meron ako at ibinubuwelta ko kay Paolo Contis, maling-mali ka ru’n,” mahabang paliwanag ng CFM host.


At bago tapusin ni ‘Nay Cristy ang kanyang paliwanag kay Manay Lolit ay muli nitong ipinagdiinang huwag na itong magpaka-stress at tanggalin na ang mga galit nito sa katawan.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page