by Info @Editorial | Jan. 6, 2025
Sa bawat kalsada at pampublikong lugar, nagkalat na ang mga tarpaulin na may mga larawan ng pulitiko at kanilang mga pangakong kadalasang napapako pagkatapos ng eleksyon.
Ang mga tarpaulin na may malalaking mukha ng mga pulitiko at mga slogan ng “pagbabago, serbisyo at pagkakaisa” kuno ay nagsisilbing pangunahing simbolo ng kasalukuyang kalakaran sa pulitika ng bansa.
Ang isyu ng mga nagkalat na tarpaulin ay higit pa sa usapin ng kalat. Ito ay sumasalamin sa mas malalim na problema ng political opportunism — ang hindi natitinag na estratehiya ng ilang pulitiko na magpakitang-gilas gamit ang mga materyal na ito bilang pagpapakita ng kanilang presensya at impluwensiya.
Mas pinahahalagahan ang image-building kaysa sa epektibong pamamahagi ng mga serbisyo at pagpapabuti ng buhay ng mga mamamayan.
Bukod dito, nagiging simbolo na rin ito ng hindi pagkakaroon ng malasakit sa kalikasan at sa komunidad.
Habang ang mga tarpaulin ay mabilis na tumatanggap ng mga pondo at kinakailangang resources para sa kanilang paggawa at pamamahagi, walang ginagawang hakbang upang tiyakin na ang mga ito ay matatanggal o maire-recycle.
Madalas, ang mga tarpaulin ay naiiwan sa mga kalsada at pampublikong espasyo na nagiging basura at panganib sa kalikasan.
Dito makikita ang kapabayaan ng ilang pulitiko sa aspeto ng pagiging responsable sa kanilang mga kampanya.
Kung gusto nating makamtan ang tunay na pagbabago, dapat ay hindi lamang tarpaulin at mga image campaign ang magsalita, kundi ang konkretong aksyon at tunay na pagbabago sa mga sektor na higit na nangangailangan.
Comments