ni Mylene Alfonso @News | July 11, 2023
Tinawag ni Sen. Raffy Tulfo na moro-moro at hao-xiao ang raid ng mga awtoridad sa Philippine Offshore Gaming Operation facility sa Las Piñas City noong Hunyo 27, kung saan 2,714 ang na-rescue kabilang ang mga Pilipino at banyaga.
Ayon kay Tulfo, 13 araw na ang nakalipas ngunit hindi pa rin malinaw ang imbestigasyong ginagawa ng mga pulis tungkol sa POGO-related crimes at mga taong nasa likod nito.
Kaya naghain ng resolusyon si Tulfo upang imbestigahan ang nasabing raid at mapanagot ang lahat ng mga tao sa likod ng POGO-related illegal activities.
Mula umano sa isang reliable source ni Tulfo sa Camp Crame, ginagawang tila gatasan lang ng raiding team ang mga banyagang nahuli at hinuhuthutan ng pera bago pakawalan.
Nagkakatawaran pa aniya bago matubos ang mga nahuling foreigner kung saan aabot sa P250,000 para pakawalan ang isang Chinese national at P50,000 sa Vietnamese national at mas malaki pa kung mas mataas pa ang ranggo.
Kinuwestiyon din ang ginawa ng mga awtoridad na basta na lamang pinalaya ang lahat ng Pilipinong nahuli kahit walang maayos na imbestigasyon kung sila ay sangkot sa krimen, tulad ng human trafficking at love scam.
Comments