ni Zel Fernandez | May 7, 2022
Nasabat ang may tinatayang P1.9 milyong halaga ng "kush" o high-grade marijuana mula sa isang Nigerian national, kasunod ng isinagawang controlled delivery operation ng anti-drug authorities sa Angeles City, Pampanga noong Huwebes nang hapon.
Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Luzon (PDEA-3), kahapon ng Biyernes ay tinukoy ang suspek na si Madu Ogechi Uzoma, residente ng Concubierta Street, Sunset Valley Mansions, Brgy. Cutcut sa Angeles, Pampanga.
Ang package na naglalaman ng iligal na droga ay sinasabing nagmula sa Greenwich, Connecticut, USA, at dumating sa Bureau of Customs-Port of Clark, nitong nakaraang Abril 29.
“The shipment was subjected to the K9 sweeping and physical examination which gave a positive indication of illicit drugs,” ayon sa PDEA.
Nakumpiska mula kay Madu ang tinatayang 1,500 gramo ng kush na mayroong street value na P1.95-M at isang driver's license.
Naging matagumpay ang operasyon sa pagkilos ng PDEA-Central Luzon, katuwang ang Bureau of Customs-Port of Clark at ang lokal na kapulisan.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang Nigerian national.
Comments