12-anyos, ‘di tumigil ang labis na regla, mabilis mapagod at na-dengue bago namatay sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 16, 2020
Ang pagdadalaga ay mahalagang yugto sa buhay ng kababaihan. Ngunit ito ay naging mapait na alaala para sa pamilya ng noon ay nagdadalaga na si Riceza Salgo. Nanabik sa paghihintay sa oras na ito para kay Riceza, ang nagmamahal niyang ina at ate na sina Gng. Rechilda at Bb. Judy Ann Salgo. Subalit, ang pananabik nila ay napalitan ng labis na pag-aalala at nauwi sa pagdadalamhati na hanggang ngayon ay hindi pa natutuldukan. Sariwa pa sa alaala ng mag-inang Rechilda at Judy Ann kung paano naging sanhi ng kanilang pagkabahala ang unang buwanang dalaw ni Riceza. Ayon sa mag-ina: “Noong January 10, 2018, unang niregla si Riceza. Tumagal ang pagreregla niya hanggang January 21, 2018. Kapansin-pansin na labis ang pagreregla niya kahit noong unang araw pa lamang nito.” Ang pangyayaring ito ay nagsilbing panimula ng mga lumubhang karamdaman ni Riceza na humantong sa kanyang kamatayan.
Si Riceza ay 12-anyos nang namatay noong Marso 6, 2018. Siya ang ika-36 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Riceza ay nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan sa Cavite noong Hunyo 15, 2016.
Ang nabanggit sa itaas na pangyayari hinggil sa pagkakaroon ng unang menstrual period ni Riceza ang tila nagbigay ng babala sa mga Salgo ng negatibong epekto sa kanya ng pagkakabakuna.
Narito ang kaugnay na mga detalye sa nasabing pangyayari:
1. Enero 18, 2018 - Dinala si Riceza sa Barangay Health Center upang patingnan dahil walong araw na ang nakalilipas subalit hindi pa rin tumitigil ang labis niyang pagregla. Anang mag-inang Rechilda at Judy Ann, “Nasabi naming labis na pagregla dahil nakakagamit siya ng limang menstrual pads bawat araw at tuwing gabi ay ipinanglalampin niya ang mga damit naming hindi ginagamit.” Sa nasabing check-up ni Riceza, sinabihan sila na pakuhanan siya ng dugo at ipasuri sa isang OB-Gynecologist at inuwi na nila si Riceza.
2. Enero 21, 2018 - Natapos ang labis na pagregla ni Riceza. Namutla siya, naging antukin at madaling mapagod. Gusto niyang laging natutulog.
3. Pebrero 2018 - Naging bugnutin din si Riceza.
Pagdating ng Marso, 2018, lumala ang kalagayan ni Riceza at humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang kanyang mga pinagdaanan bago siya pumanaw:
1. Marso 2, 2018 - Si Riceza ay nagreklamo ng pananakit ng ulo at balikat, at nawalan din ng ganang kumain.
2. Marso 4, 2018 - Nakaranas siya ng spotting o kaunting pagregla na sinamahan ng pagsusuka na may halong dugo, pagkahilo at hirap sa paghinga. Nag-umpisa na rin siyang lagnatin.
3. Marso 5, 2018 - Nagpatuloy ang masama niyang karamdaman. Siya ay may lagnat pa rin at nagsusuka ng dugo.
4. Marso 6, 2018 - Alas-7:00 ng umaga, dinala si Riceza ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Tagaytay. Kinuhanan siya ng dugo upang suriin at sinabing may dengue si Riceza base sa resulta nito. Kailangan diumano siyang salinan ng dugo, at dahil walang sapat na pasilidad ang nasabing ospital, ipinalilipat siya sa isang ospital sa Cavite. Hindi siya tinanggap dahil wala diumanong bakanteng kuwarto, kaya lumipat ulit sila ng dalawa pang ospital hanggang sa siya ay tuluyang tinanggap sa emergency room ng isang private hospital sa Cavite, alas-7:30 ng gabi.
Sa naturang private hospital, si Riceza ay nilagyan ng suwero at oxygen dahil hirap siyang huminga. Kinailangan siyang salinan ng dugo, subalit hindi agad nagawa. Lumubha ang kanyang kalagayan hanggang sa kinailangan na siyang kabitan ng tubo upang mas matulungan siya sa paghinga. Pagsapit ng alas-11:00 ng gabi, nawalan na siya ng pulso at tinurukan ng pampatibok ng puso. Sinubukan siyang i-revive, ngunit pagkatapos ng ika-sampung turok ng pampatibok ng puso (alas-11:30 ng gabi) ay idineklara na ng mga doktor na si Riceza ay tuluyan nang pumanaw.
Sa pagpanaw ni Riceza, narito ang naging pahayag ng mag-inang Rechilda at Judy Ann:
“Maayos ang kalusugan ni Riceza bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Malinis at maalaga siya sa kanyang katawan, subalit nagbago ang lahat nang mabakunahan siya dahil naging sakitin na siya. May punto pang sa napakamurang edad niyang 12 ay magkakaroon siya ng kanyang buwanang dalaw at hindi na maampat ang pagdudrgo niya. Ang pagkakaroon niya ng karamdaman ay napakasakit sa amin dahil walang ospital ng gobyerno ang tumaggap sa amin. Kaya labis naming ipinagdadalamhati ang biglaan niyang pagkawala, kaya kami ay humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic examination ang katawan ni Riceza para malaman ang naging sanhi ng kamatayan niya. Aming hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Riceza.”
Ang mag-inang Rechilda at Judy Ann ay bahagi ngayon ng mga nagtataguyod na makamtan ang katarungan, hindi lamang para kay Riceza kundi para sa lahat ng mga biktima ng naturang bakuna. Habang pinagdaraanan nila ang proseso ng pagdadalamhati ay dumaraan din sa proseso ang katarungan na hinahangad nila. Ang PAO, ang inyong lingkod at ang PAO Forensic Team ay gumagalang sa mga proseso, lalo na sa may kaugnayan sa legal na labanan sa hukuman. Ngunit malinaw sa atin na hindi bahagi ng prosesong pangkatarungan ang mga taktikang sadyang isinasagawa upang mapabagal ang paggalaw ng gulong ng hustisya. Ang pagdadalamhati ng mga naulila ng mga yumaong biktima ay matutuldukan o maiibsan ng pagtanggap. At makatutulong sa pagtanggap ang makatwirang hatol mula sa mga hukuman.
Comments