ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 17, 2022
Napunta kay Francisco Sanchez Ruiz ng Spain ang prestihiyosong tropeo at simbolikong "green jacket" bilang kampeon matapos isalya si Austrian Max Lechner sa finals, 13-10, noong huling araw ng 2022 US Open Pool Championships sa Harrah's Resort ng Atlantic City, New Jersey.
Naghati naman sina 2021 US Pool king Carlo Biado at 2019 World 10-Ball Championships winner Ping Chung Ko ng Taiwan sa pangatlong puwesto dahil hindi sila nakaahon mula sa final 4 matches ng kompetisyong sinalihan ng 256 sa pinakamalulupit na cue artists mula sa iba't-ibang parte ng globo.
Wagi ang mga Europeans sa "Asia vs. Europe" sa semifinals na torneo. Nangibabaw si Lechner kay Ko sa dikdikang engkwentro, 11-10. Isang "Scratched ball" ng Taiwanese sa game 21 ang naging susi ng "ball-in-hand" na bentahe at pag-usad ni Lechmer sa championship round.
Sa kabilang dako, nakakusot din si "World Cup of Pool" titlist Sanchez kay Biado sa gitgitang salpukan sa kabilang hati ng semis, 11-10. Maagang nadehado si "Black Tiger" (2-5, 6-10) pero nakasibad ito sa isang 10-10 na tabla bago kinapos.
Nauna rito, napagtagumpayan ni 2017 World Games gold medalist Biado ang hamon ni Konrad Juszczyszyn ng Poland sa iskor na 10-7. Pagkatapos nito ay humarang sa daraanan niya si Taiwanese Hsieh Chia Chen kung saan hindi pinaporma ni "Black Tiger" Biado anģ karibal, 10-0. Bukod dito, pinabagsak din ni Biado si Petri Makonnen ng Greece, 9-4, sa unang pagsubok sa knockout stage bago nagpakita ng angas kontra kay Japanese Naoyuki Oi, 9-6, sa round of 32.
Comentários