ni Lolet Abania | October 13, 2021
Dalawang pulis mula sa Rizal Province at Quezon City ang napipintong masibak sa serbisyo matapos na maaresto sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa ilegal na aktibidad, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules.
Sa isang statement ng PNP, naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Police Staff Sergeant Ariel Yalung sa Quezon City hinggil sa ilegal na pagbebenta at overprizing ng Tocilizumab, isang gamot na ginagamit laban sa COVID-19.
Isinagawa ng NBI ang operasyon dahil sa mga reklamo na mayroong dalawang indibidwal na nagbebenta umano ng Tocilizumab online sa halagang P95,000, na mas mataas ang presyo kumpara sa suggested price na P25,000.
Naaresto naman ng Integrity Monitoring and Enforcement Group si Police Staff Sergeant June Angeles sa isang entrapment matapos na akusahan na nagde-demand ng pera mula sa asawa ng isa mga deatinee sa San Mateo, Rizal.
Ayon kay PNP chief Police General Guillermo Eleazar nakakulong na ang mga suspek at nahaharap ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo.
“Tinitiyak ko na matatanggal sa serbisyo ang dalawa sa aming kasamahan dahil sa kalokohang kinasangkutan nila,” ani Eleazar.
Hinimok naman ni Eleazar ang publiko na agad na ipaalam sa mga awtoridad anumang impormasyon hinggil sa mga pulis na nasasangkot sa kahina-hinala at ilegal na aktibidades.
Comments