ni Ryan Sison @Boses | Jan. 5, 2025
Dapat lang na tuluyan ang sinuman kapag napatunayan na lumabag sa ipinatutupad na batas.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), anim na indibidwal ang kanilang nadakip dahil sa umano’y “pagbebenta” ng mga posisyon sa Bangsamoro parliament o sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa halagang milyun-milyong piso.
Anang kagawaran, arestado ang mga ito sa isang entrapment operation sa isang hotel sa Maynila nitong Huwebes.
Sa pahayag ni NBI Director Jaime Santiago, isang reklamo ang isinampa sa tanggapan ng Special Task Force (STF) at Cybercrime Division (CCD), na sinasabing noong December 29, 2024, nakipag-ugnayan ang isa sa mga suspek sa complainant at inalok siya ng puwesto bilang miyembro ng BARMM Parliament sa halagang P8 milyon.
Iginiit ng complainant na ang naturang suspek at ang kanyang grupo ay nag-claim na mga empleyado umano sila ng Office of the President.
Matapos ang sunud-sunod na pag-uusap, nagkasundo ang complainant at suspek para sa appointment ng anak at pamangkin ng una sa parliament ng BARMM sa halagang P15 milyon.
Tiniyak pa umano ng suspek na nakalaan para sa kanila ang dalawang posisyon, at iginiit na ang mga “appointees” ay manunumpa na sa kanilang panunungkulan sa January 3.
Isang meeting ang itinakda at ang grupo ay inaresto matapos nilang matanggap ang marked money.
Sa isang sertipikasyon na inilabas ng OP, kinumpirma na ang mga suspek ay hindi nila mga empleyado, o sa anumang paraan ay konektado sa Palasyo.
Sa ngayon ay nahaharap ang mga suspek sa kasong syndicated estafa at usurpation of authority o official functions.
Makatarungan lamang ang ginawa ng kinauukulan na arestuhin, sampahan ng kaukulang kaso ang mga nagkasala sa batas at patawan ng parusa ang mga ito.
Matindi na talaga ang pagiging ganid ng marami sa atin na kahit na ano ay gagawin magkamal lamang ng pera.
Kumbaga, papasukin ang lahat ng klase ng pandarambong at pagkakakitaan basta kumita ng malaki at mabilisan.
Para sa kinauukulan, mas sipagan pa sana at huwag tantanan ang pagtugis sa mga ganitong uri ng mga kawatan nang sa gayon hindi man maubos agad, kahit paano ay mabawasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments