ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 20, 2024
Akala ko ay isang ordinaryong araw lamang ang itinakda kong panahon ng pagbisita sa aking pinagpipitagang University of the East noong nakaraang Huwebes ngunit hindi pala. Sa gitna ng aking sinadyang pagdalaw doon ay nagpadala ng isang mensahe ang aking nakatatandang kapatid na si Liza sa pamamagitan ng Viber na may kalakip na larawang hindi ko agad nakuhang buksan.
Sa gitna ng aming hapunan sa isang restawran sa Magallanes ay doon ko biglang naalala ang kanyang mensahe. Binalikan ko ito at binasa, “I got my biopsy results yesterday before starting work”. Pagbukas ko ng larawan ay doon tumambad sa akin kung ano ang nakagugulat na diagnosis: invasive breast carcinoma... Nottingham histologic grade II.
Biglang nabalot ng kalungkutan ang aking sarili at humahangos akong tumawag sa aking kapatid. Ipinabatid niya sa akin ang mga nakatakdang medikal na hakbang na gagawin, habang unti-unting natatanggap ng aking dibdib ang katotohanang isa siya sa dumaraming bilang ng mga tinamaan ng breast cancer sa bansa.
Hindi agad ako makapaniwala sapagkat mapalad na hindi dinapuan ng sakit na ito ang aming mga yumaong magulang at iba pang kapatid. Isa pa, noong mga bata pa kami, hindi lumiliban sa paaralan si Liza sapagkat hindi siya sakitin. Hanggang sa umedad, bihira siyang mag-absent sa kanyang trabaho sapagkat malakas ang kanyang pangangatawan.
Sa kabilang banda, mapalad ang aking kapatid dahil mayroon siyang health insurance na mula sa kumpanyang kanyang pinaglilingkuran. Ngunit, paano na ang marami nating kababayan na dinadapuan ng cancer na walang kakayanang itawid ang kanilang mga sarili sa prosesong kailangang pagdaanan para gumaling sa sakit na ito?
Batid na ng marami na may mga Malasakit Center sa mga pagamutan na maaaring lapitan ng mga may cancer at kanilang pamilya. Ngunit, nakalulungkot na pinababalik-balik pa ang mga nagtutungo rito sa gitna raw ng sagad nang quota sa araw ng pagpunta.
Hindi na dapat pahirapan pa ang ating mga kababayan na may iniinda na ngang sakit!
Kaya rin tuloy maraming napapaniwala sa mga ipinapakalat sa social media na diumano’y gamot sa kanser ngunit wala namang kabisa-bisa. Aba’y dapat habulin ng gobyerno ang mga mandarambong na ito at panagutin sa kanilang sagad sa butong kabuktutan.
Food and Drug Administration, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan, kumilos na kayo!
Paramihin din ang mga pampublikong cancer center sa buong bansa para mabisang malabanan ang sakit na ito ayon sa pinakamataas na pamantayan. Hiling nating bigyang prayoridad ng Kongreso ang pagtustos sa mga cancer center na ito upang epektibong mapangalagaan ang kapakanan ng taumbayan at hindi sila mapagpraktisan lamang! Huwag nang hintaying dumalaw sa inyong tahanan ang sakit na ito bago dinggin ang daing ng taumbayan!
Samantala, isang taos-pusong pasasalamat kay Ginoong Bert Sulat Jr., University Relations Director ng University of the East, sa kanyang pagtulong sa inyong abang lingkod habang ako ay nasa unibersidad noong malungkot na araw ng Huwebes. Sa bawat pagkakataon, nangungusap ang Maykapal na nariyan Siya sa ating tabi at tayo ay Kanyang inaalalayan. Ilang dekada man ang lumipas, sa gitna ng saya at sakit ng damdamin, ng pag-iisa o pagkakaroon ng karamay, ng kalakasan o panlulupaypay, nananatiling matibay na moog ang pagmamahal ng ating Maykapal.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Panalangin para sa madaliang paggaling ng kapatid mong si Liza sa kaniyang breast cancer. Tungkol naman sa mga pekeng gamot ganoon din ang mgasupplements, bakit hindi ma monitor ng F ood and Drug Administration sa facebook at iba pang on-line platforms ang pagbebenta ng mga pekeng gamot na may litrato pa ng mga kilalang doktor na na-eendorso ng mga iyon. May isang media savvy doktor na iba't ibang gamot sa prostatitis ang ini-eendorse. Nang magcheck ako sa FDA, hindi rehistrado sa FDA ang gamot naiyon at lalong hindi aprobado ang pagbebenta sa publiko. Kawawa naman ang mabibiktima ng mga pekeng gamot at kaduda-dudang supplements.