ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 13, 2021
Tiyak ang pagtutok ng chess aficionados ngayong Sabado sa inaasahang mainit na banggaan ng mga nangunguna sa North Division kontra sa mga tumatrangko sa South Division sa isa sa mga eksplosibong gabi ng virtual Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All Filipino Conference.
Ang umaalagwang Caloocan Loadmanna Knights sa Norte, may rekord na 14 na panalo at isang talo ay makikipagtagisan ng husay sa Negros Kingsmen na armado ng pinakamakinang na kartadang 13-2 sa dakong timog ng paligsahang umuusad na sa North vs South na format.
Nakasandal sa liderato nina International Master Paulo Bersamina at IM Jan Emmanuel Garcia ang Caloocan habang nakatingala sa tikas ni FIDE Master Nelson Mariano III ang Kingsmen.
Kailan lang ay maluwag na nakaungos ang Caloocan mula sa hamon ng Lapu-lapu City Naki Warriors, 14.0-7.0 bago nakalusot mula sa bangis ng Mindoro Tamaraws, 12.5-8.5 upang mapanatili ang puwesto sa lead pack ng North Division.
Sa kabilang dako, nakangisi pa rin ang mga Negrenses dahil kagagaling lang nila sa dobladong panghihiya sa Cavite Spartans (14.0-7.0) at Isabela Knight Raiders (17.0-4.0).
Ganito rin ang takbo ng kuwento sa pagsasagupa ng San Juan Predators (14-1) at Iloilo Kisela Knights (13-2) sa tanging professional chess league ng Timog Silangang Asya. Mangunguna para sa San Juan sina GM Oliver Barbosa at FM Narquinden Reyes sa pakikipagbuno kontra sa tropang Ilonggo ni GM Rogelio Antonio.
Comments