ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 22, 2023
Bilang inyong Kuya sa Senado na nagsusulong ng dekalidad na edukasyon sa lahat, mahalaga para sa inyong lingkod na matiyak ang mandato ng gobyerno na isulong ang kapakanan ng kabataang Pinoy sa lahat ng aspeto. Kabilang dito ang pang-pisikal, mental, emosyonal, moral, ispirituwal, at pakikipagkapwa-tao.
Naniniwala tayo na ang susi sa tagumpay upang makamit ang adhikaing ito ay sa tulong ng ating mga teaching at non-teaching personnel sa mga paaralan, ang pangalawang tahanan ng mga kabataan. Bukod sa ating mga magulang, sila ang gagabay at aalalay sa mga mag-aaral. Higit itong kinakailangan lalo na’t laganap ang iba’t ibang mental health concerns na nararanasan ng mga mag-aaral bago pa man magsimula ang pandemya ng COVID-19.
Noong 2019, nakatanggap ang National Center for Mental Health (NCMH), isang psychiatric hospital sa ilalim ng Department of Health (DOH) ng 3,125 na tawag na may kaugnayan sa problema sa mental health, kung saan 712 dito ang may kinalaman sa suicide at 2,413 ang may kinalaman sa iba pang usapin ng mental health. Noong taong iyon din ay nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 2,810 na kaso ng pagpapakamatay.
Ang mas nakakalungkot ay higit na tumaas ang iba’t ibang mga kaso ng mental health problems na humantong sa suicide na naitala noong nagsimula ang COVID-19 pandemic taong 2020. Noong School Year (SY) 2020-2021 at SY 2021-2022, lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na may mahigit 400 na mga mag-aaral ang nag-suicide.
Malaking bahagi ng ating tulong ang maibibigay sa mga kabataang nangangailangan ng social at emotional support kung susuportahan natin ang ating mga mental health professionals sa mga paaralan. Sa ilalim ng ating iminumungkahi na Senate Bill No. 379 o ang Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, ipinaglalaban natin ang pagtaas ng sahod ng mga guidance counselors upang makahikayat tayo ng mas maraming professionals sa larangang ito.
Nagbabadya na ang pagkakaroon ng mental health pandemic. Kaya naman mahalaga na matiyak ng pamahalaan ang pagkakaroon ng sapat na mental health services kasabay ng paghahatid ng serbisyong pang-edukasyon, kalusugan, at proteksyon ng mga mag-aaral.
Sa hangaring matugunan ito, inihain ng inyong lingkod ang Proposed Senate Resolution No. 671 upang palawakin pa ang sakop at pagandahin ang pagpapatupad ng Mental Health Act (Republic Act No. 11036).
Magsilbi sanang aral ang mga naging karanasan natin noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at bigyan natin ng sapat na prayoridad ang mga pampublikong mental health services sa bansa.
Nais din nating paalalahanan ang lahat na hindi biro ang mga isyu sa mental health.
Palagi nating kumustahin ang ating mga anak, kapatid, pamangkin, apo, at iba pang mahal sa buhay. Ipaabot natin ang naaangkop na tulong para sa kanilang kondisyon at iparamdam natin na may karamay sila at hindi sila nag-iisa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments