ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | September 26, 2021
Lumabas sa pagdinig ng Senado kamakailan na bumababa ang bilang ng tests para sa tuberculosis o TB sa ating bansa.
Ayon sa DOH, mula sa 1.16 milyong pasyente na na-test noong 2018, naging isang milyon ito noong 2019, at bumaba pa sa 556,000 noong 2020.
Bumaba ito ng 59 percent nitong nakaraang taon, kung kaya’t nakababahala dahil ang Pilipinas ang may pinakamataas na TB incidence sa buong Asya.
Mayroong 554 kaso ng TB kada 100,000 na Filipino, ayon sa 2020 global TB report ng World Health Organization (WHO).
Ilan sa mga tinutukoy na dahilan ng DOH tungkol sa mababang testing numbers ay ang takot ng mga pasyente na pumunta sa mga health facilities dahil sa COVID-19, mga isyu ng mobilisasyon, at ang reassignment ng mga health worker sa COVID response.
☻☻☻
Ngayong may pandemya, mas lalong nagiging importante ang testing para sa TB.
Ayon sa mga eksperto, posibleng ma-activate ang latent TB ng pagkakaroon ng moderate to severe COVID-19.
Ang latent o dormant TB ay ‘yung kondisyong may impeksiyon ang indibidwal, ngunit inactive ang bakterya at walang sintomas.
Mayroong 27.5 percent ng mga Pinoy ang mayroong latent o dormant TB, ayon sa datos.
☻☻☻
Nagagamot ang TB, ngunit importante ang maagap na gamutan, lalo na at nangako ang Pilipinas noong 2018 sa United Nations High Level Meeting on TB na hahanapin at gagamutin ang 2.5 milyong TB patients by 2022.
Nagsisimula ito sa testing, kung kaya’t hinihimok natin ang ating mga kababayan na kung may nararamdaman ay agad nang magpatingin upang hindi na lumala pa o magdulot ng komplikasyon.
Ang Senado naman ay nagtatrabaho upang lalo pang palakasin ang Republic Act No. 10767, o ang “Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act” upang lalo pang mabawasan ang kamatayan at pagdurusa ng ating mga kababayan dahil sa TB.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Kommentare