ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 19, 2021
Nag-walkout si Long Mejia sa lunch date nila ni Ogie Diaz kamakailan dahil hindi nito nagustuhan ang mga plano ng huli sa kanya bilang bagong manager.
Napanood namin ang bagong upload ni Ogie Diaz sa kanyang YouTube channel nitong Linggo, Hulyo 18, kung saan napikon ang komedyante sa mga gustong ipagawa sa kanya ni Ogie.
Sinabihan ni Ogie si Long na dapat maging propesyunal sa lahat ng oras dahil sa nasabing lunch date ay ilang oras na-late ang huli, bagay na hindi nagustuhan ng kilalang talent manager ng mga sikat na artista tulad nina Liza Soberano, Jobert Austria, Raffy Tulfo at iba pa.
Humingi ng dispensa ang komedyante at nangakong hindi na mauulit lalo’t si Ogie na ang bagong manager, pero hindi pa ito tinanggap ni Ogie dahil gusto niyang sabihin muna lahat ang kondisyon niya.
Tinanong ni Ogie kung bakit siya ang gustong maging manager ni Long at sagot ng komedyante, dahil sa mga alaga ng manager na sina Raffy Tulfo, Liza Soberano, Vice Ganda, etc., ‘pag napasama siya sa line-up, magle-level-up na rin ang name niya.
Diretsong sabi ni Ogie, “Gusto kong itanong sa ‘yo ‘to, Long, ha, naririnig ko, may attitude ka?”
“Baka naman namamali sila ng interpretasyon sa akin. Nu’ng mga nakaraan, mga bata pa tayo,” sagot nito.
Ang pananamit ni Long ang isa sa mga sinabing kailangang baguhin dahil old school at dapat sumunod sa uso ngayon.
Halatang medyo nairita si Long, “Pati ba itong pananamit ko, kailangang baguhin? Ano’ng gusto mo, susunod ako mala-Alden Richards?”
Sinabihan siyang kailangang magpa-gluta drip para gumanda ang kutis, magkaroon ng glow ang skin at hitsura.
“Magsasaksak ako? Para sa’n ba ‘yun?” tanong ni Long.
“Para pumuti ka nang konti para artistahin ang look mo. Para mag-glow ka at ang skin mo,” diing paliwanag ni Ogie.
“Meron ba tayong sponsor n’yan? O ako gagastos?” balik-tanong ng aktor.
At nag-iba ang hitsura ni Long nang sabihing walang sponsor, for sure.
Isa pang kondisyon ng talent manager ay ayusin nito ang pananalita na hindi bargas at palamura, dapat laging may po at opo.
“Okay, kasi nga laking-kalye ako, so natural lang talaga akong ganito. Sige, para maging maayos tayo, susundin ko po lahat. Pati sa 7 years old, mag-o-opo ako?” tanong ulit ni Long.
Tinitigan ni Ogie si Long at sinabihan na inaaral niya ito para makita kung ano pa ang mga dapat baguhin sa looks.
Wala naman daw problema sa acting lalo’t nahirang na Best Actor si Long nang gampanan niya sa MMK ang life story ni Rene Requiestas dahil heavy drama ito gayung nakilala siyang laging nagpapatawa.
Bilin ni Ogie, “Dapat Long, iwasan natin ang mga korning jokes, dapat ‘yung bitaw, natural.”
Hanggang sa napansin na nito ang kuntil ni Long, “Okay lang ba kung ipatanggal mo ‘yan? Kasi medyo distracting lang, no offense.”
Nagulat si Long dahil bakit pati ang kuntil niyang nananahimik ay kailangang pakialaman at nakilala naman siyang meron nito at nakakatulong pa nga ito sa pagdyo-joke niya.
“Ha? Bakit naman natin ipapatanggal, eh, mas okay nga ‘yan sa comedy? Nadadamay nga ‘pag nagko-comedy ako,” nakangising katwiran ni Long.
Parang ‘di solb si Long sa idea na ipatanggal ang kanyang kuntil. Okay naman sa kanya na sundin ang lahat ng ipinagagawa ni Ogie, pero ayaw niyang pumayag nu’ng ang kanyang kuntil ang sitahin ng manager.
“Itong kuntil (tumaas ang boses), tatanggalin para magmukha akong bata, ‘no?
“Ganito na lang gawin natin, tutal, tatanggalin ang kuntil. Noong bata ako, supot ako, ngayon, tuli na ako. Babalik ako sa pinagpatulian ko, ipababalik ko ‘yung mga nalaglag na lambi at pagsama-samahin, idikit doon sa t*t* ko at ikabit doon para magmukha na akong supot!” hirit nito.
“Ayaw mo yata akong hawakan, hindi mo pa sabihin sa akin? Eh, di ‘wag mo na akong hawakan. Ang bigat ng mga sinasabi (kondisyon) mo!
“Ngayon lang ako nakakita ng manager na gusto mong tanggalin lahat? Eh, di ‘wag na tayong mag-ano (magpa-manage, sabay bato ng ballpen sa lamesa). Sariling kayod na lang ako,” galit na sabi ni Long.
Hanggang sa nag-walkout na si Long at hindi na bumalik.
Ang ikinaloka ni Ogie ay si Long ang nag-imbita sa kanila ng pananghalian pero hindi nito binayaran ang bill na umabot sa P9,600 at ang masama ay nag-take-out pa ang aktor ng steak.
Napamura si Ogie nang iabot sa kanya ang bill at akala niya, naisahan niya si Long nang bigyan niya ng mabibigat na kondisyones dahil nga ayaw niyang i-manage ito bilang matagal na silang magkaibigan at okay naman ang career.
“Ako pala ang naisahan dahil ako magbabayad ng bill na P9,600, p*ta!” saad ng talent manager.
Comentarios