Nag-level-up ang career dahil kay Barbie… DAVID, MADATUNG NA, GUSTO NANG MAG-ASAWA
- BULGAR
- Apr 8
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Apr. 8, 2025
Photo: David Licauco - Instagram
Dahil mayaman at marunong sa negosyo bago pa siya nag-artista, hindi na nakapagtataka na kumikita ng P50 million si David Licauco. Masinop siya sa paghawak ng kanyang finances at hindi lang siya umaasa sa kanyang kikitain bilang artista.
Mas nakatutok siya sa mga negosyo niyang itinayo. Hands-on siya sa pamamahala ng kanyang mga negosyo kahit may serye at pelikula siyang ginagawa kapareha ni Barbie Forteza.
Thirty years old na si David at 8 yrs. na siya sa showbiz. Nag-level-up ang kanyang career nang mabuo ang BarDa love team.
Pati sa mga endorsements ay mabenta ang tandem nila ni Barbie Forteza at lumalawak ang kanilang fan base.
Sa isang interview, sinabi ni David Licauco na gusto na niyang mag-settle down. Nasa tamang edad na siya at financially stable na.
Gayunpaman, aminado si David na hindi pa siya ready na harapin ang mga responsibilidad at may career siyang dapat na bigyan ngayon ng prayoridad.
MUKHANG sisikat din ang BFF ni David Licauco na si Dustin Yu, na isa sa mga housemates sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition. Mabigyan lang si Dustin ng magandang break at role para ma-push ang kanyang career, mapapansin din ito at gagawa ng pangalan.
Bagama’t tahimik lang si Dustin sa loob ng Bahay ni Kuya, nakakasundo naman niya ang ibang housemates. Marunong kasi siyang makisama at hindi feeling pabida. Kapag may challenge na ipinagagawa sa mga housemates, tumutulong si Dustin.
BFF ni David si Dustin, kaya mahilig din siya sa negosyo. Kay David natuto si Dustin na magluto ng iba’t ibang recipes kaya pangarap niyang gayahin si David Licauco.
Samantala, marami ang kinilig noon sa kanila ni Ivana Alawi. Mismong ang mga housemates ang nagsasabing bagay sila.
Sayang nga lang at hindi nagtagal si Ivana sa loob ng PBB house. Hindi sila nabigyan ng pagkakataon na mapalapit sa isa’t isa.
SA darating na Biyernes, April 11, pararangalan ng Film Development Council of the Phils. (FDCP) ang mga higanteng artista sa pelikulang Pilipino. Ang event ay bilang pagbibigay-parangal sa mga living legends sa movie industry na malaki ang naging ambag sa industriya.
Ang theme ng event ay “Mga Higante sa Kasaysayan ng Ating Pelikula”.
Ang awarding ay gaganapin sa Seda Vertis North, 5 PM. Ang mga tatanggap ng Lifetime Achievement Award ay sina Joseph Estrada, Charo Santos-Concio, Laurice Guillen at Lav Diaz.
Ang awarding ceremony ay pangungunahan ni Iza Calzado.
Bibigyan din ng Annual Achievement Award ang pelikulang Iti Mapukpukaw (The Missing) directed by Carl Joseph Papa.
Ang mga itatampok na pelikula ay Sa Kuko ng Agila kung saan bida si Joseph Estrada, directed by Augusto Buenaventura; Itim, na bida si Charo Santos, directed by Mike de Leon; Tanging Yaman, directed by Laurice Guillen; at Ang Babaeng Humayo, directed by Lav Diaz.
MASYADO raw madaldal at pabida ang Sparkle artist na si Michael Sager, kaya marami ang nagsasabing siya ang nanganganib na sunod na matanggal at mabigyan ng red flag sa PBB Celebrity Collab Edition.
Pero pinatawad pa rin si Michael dahil si Mika Salamanca ang na-evict sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition.
Magpapatuloy pa rin ang journey ni Michael kahit dismayado sa kanya ang maraming housemates. May kani-kanyang strength ang bawat isa at masusubok ang kanilang tatag at diskarte sa mga tasks na ipagagawa sa kanila.
Comments